TV

Jerome at Marilyn, pilit na paghihiwalayin


Marami mang pinagdaanang sakit at pagdurusa sina Jerome at Marilyn ay nauwi pa rin sa pagmamabutihan ang dalawa. Inakala nilang wala nang makakapaghiway sa kanila, ngunit lingid sa kanilang kaalaman ay palihim na gumagawa ng paraan ang mga Carbonel para maudlot ang kanilang pag-iibigan. Maipaglalaban pa rin kaya nila ang kanilang nararamdaman?

Last week sa top-rating teleserye na Mundo Mo'y Akin, nagsimula ang linggo sa pagtatapat ng Harry ng feelings niya kay Marilyn. Laking gulat ni Harry nang sagutin siya ng dalaga nang walang alinlangan. Dahil dito ay nangako si Harry na gagawin niya ang lahat para mahalin siya ni Marilyn ng higit pa sa pagmamahal ni Marilyn kay Jerome. At nang magkita muli si Marilyn at Jerome, doon na nagsalita si Harry para isiwalat kay Jerome na sila na ni Marilyn.

Samantala, lihim na nakikipag-usap si Ziggy kay Darlene. Magagalit si Giselle nang malaman niyang binibigyan ng pera ni Ziggy si Darlene. Malalaman din ito ni Charito, kaya binigyan niya ng babala si Ziggy na tatanggalan niya ito ng mana kung patuloy ang suporta niya kay Darlene.

Mahahalata naman ni Harry na kahit ano pa ang gawin niya, si Jerome pa rin ang laman ng puso ni Marilyn. Kaya’t magpapasya siya na palayain na ang kasintahan, mas mahalaga raw kasi para sa kanya ang gawin ni Marilyn kung ano ang magpapasaya sa kanya. Pagkatapos nito ay pupuntahan niya si Jerome para ibalita na wala na sila ni Marilyn. Aaminin ni Harry kay Jerome na siya pa rin ang mahal ni Marilyn.

Hindi naman inasahan nina Marilyn at Jerome na magkukrus ang landas nila sa simbahan. Kakausapin ni Jerome si Marilyn, at lilinawin ng binata ang lahat ng mga bagay na ikinasama ng loob sa kanya ni Marilyn. Maantig ang puso ni Marilyn hanggang sa magyakapan ang dalawa, at sasabihin na mahal pa rin nila ang isa't isa.

Ibabalita naman agad ni Marilyn sa mga Carbonel na boyfriend na niya si Jerome. Magugulat sina Giselle at Charito sa malalaman, ngunit maluwag itong tatanggapin ni Giselle. Si Charito naman, iniisip pa ring gold-digger ang binata. Magkakausap sina Giselle, Charito at Ziggy, at imumungkahi ni Giselle na dapat ay hindi sila magmukhang kontrabida kay Marilyn, at kailangang palihim silang gumawa ng paraan para mapaghiwalay sina Jerome at Marilyn.

Nahuli ni Charito si Ziggy na kausap sa phone si Darlene. Magkikita dapat ang mag-ama, ngunit magugulat si Darlene na si Charito ang dumating imbes na si Ziggy. Nag-offer ito ng tulong kay Darlene sa kondisyon na aagawin niya si Jerome from Marilyn. Walang talo si Darlene sa deal na in-offer ni Charito. Papayag si Darlene.

Sa pakikipagsanib-puwersa nina Darlene at Charito, tuluyan na kaya nilang mapaghihiwalay sina Jerome at Marilyn? Ano kaya ang mga gagawin ni Darlene para makuha ang loob ng dating kasintahan at best friend? Mahahalata kaya ng dalawa ang plano ng mga taong nakapaligid sa kanila?

Abangan ang mas tumitinding mga tagpo sa Mundo Mo'y Akin, gabi-gabi pagkatapos ng Anna Karenina, sa GMA Telebabad. -- Text by Michelle Caligan, GMANetwork.com