TV

Tuloy-tuloy na ba ang muling pagbaliktad ng mundo nina Darlene at Marilyn?


Kung dati ay ang mga mundo lamang nina Darlene at Marilyn ang nagkapalit sa Mundo Mo'y Akin, ngayon ay pati ang mga buhay nina Perlita at ng mga Carbonel ang magbabago. Sa pagbagsak ng mga negosyo ni Charito at sa pagbabalik ni George sa buhay ni Perlita, tuluyan na bang magbabaliktad ang kanilang mga kapalaran?

Bago pa man nalaman ng mga Carbonel ang unti-unti nilang pagkalugi, magdedesisyon si Marilyn na bumalik kay Perlita kaya naman galit na galit si Darlene dito. Maiisipan ni Darlene na umalis na lamang sa poder ni Perlita at makitira kay Allison dahil mukhang walang balak ni Perlita na paalisin si Marilyn.

Muling mamumuhay ng parang tulad dati si Marilyn kasama si Perlita. Pero hindi papayag si Giselle, kaya darating siya upang bawiin si Marilyn ngunit hindi ito sasama sa kanya.

Kapos pa rin si Perlita sa mga gastusing bahay at para makatulong, maiisip ni Marilyn na muling magbenta ng pagkain. Mahihirapan si Marilyn, at mababastos pa siya ng mga kustomer, dahilan para mawala niya ang perang kinita. Susubukan niya sanang humingi ng tulong kay Jerome, ngunit pagpunta niya rito ay maabutan niya ang binata na yakap-yakap ang isang babae. Lalong guguho ang mundo ni Marilyn.

Dahil nakikitang nahihirapan na si Marilyn, kukumbinsihin ni Perlita ang dalaga na bumalik na sa mga Carbonel, pero magmamatigas si Marilyn at sasabihing gagawin niya ang lahat para matulungan si Perlita. Lalong magtatrabaho si Marilyn, ngunit hindi ito kakayanin ng kanyang katawan at mahihimatay siya habang nasa duty. Hihingi ng tulong si Perlita sa mga Carbonel pero ipapahiya muna siya ni Charito - kailangan nitong halikan ang paa niya - bago ito bigyan ng pera.

Gagaling si Marilyn, pero mapapalayas sila sa kanilang inuupahan dahil hindi na sila nakakabayad. Bago pa man sila umalis ay dumating si George, ang nakabuntis kay Perlita at ang tunay na ama ni Darlene. Patitirahin niya ang mag-ina sa kanyang bahay, at magtatapat na rin siya ng pag-ibig kay Perlita. Ipapahanap na rin nito ang kanilang anak na si Darlene.

Samantala, lugmok na sa utang ang mga Carbonel, at kailangan na rin nilang ibenta ang resort. Kumakalat na ang pagbagsak ng kanilang negosyo at ang pagkawala ng ilang ari-arian. Wala nang sinumang maaring makatulong sa kanila lalo pa’t baon na baon na sila sa utang.

Nahanap na ni George si Darlene, at ngayon ay sa mansion na niya ito nakatira kasama sina Perlita at Marilyn. Nagkaroon na naman ng pagkakataon si Darlene para muling pahirapan si Marilyn, kaya lagi niyang palalabasin na si Marilyn ang may kasalanan. Uutos-utusan niya rin ito na parang katulong, kaya mapupuno si Marilyn at papatulan na ang dating kaibigan. Madadatnan ito ni George at magdedesisyon siyang palayasin si Marilyn sa kanyang bahay.

May magagawa ba si Perlita sa pagpapalayas ni George kay Marilyn? Ito na ba ang umpisa ng paghihiganti ni Darlene? May pag-asa pa kayang makabangon ang mga Carbonel? At magkakabalikan kaya sina Jerome at Marilyn pagkatapos ng lahat?

Alamin ang kasagutan sa mga tanong na ito sa huling linggo ng Mundo Mo'y Akin, weeknights pagkatapos ng Anna Karenina, sa GMA Telebabad. -- Text by Michelle Caligan, GMANetwork.com