
Tapos na ang taping para sa “Fairy Tail Romance," ang ikaapat na installment ng romance-fantasy anthology na My Fantastic Pag-ibig, kung saan magtatambal sina Kapuso actor Yasser Marta at Alex Diaz.
Ang “Fairy Tail Romance” ay tungkol sa pag-iibigan ng isang sireno at isang mortal. Si Alex Diaz ang gaganap bilang si Lantis, isang sireno, habang si Yasser si Nep, ang lalaking bibighani sa puso ng una.
Source: My Fantastic Pag-ibig
“'Yung character ko po dito kakagaling ko lang sa isang heartache at very emotional talaga dito si Nep dahil sa pinagdadaanan niya sa ex niya.
“Eventually, kaka-move on ni Nep, he's dealing din kasi with depression heartbroken siya dun niya nakilala si Lantis sa kanilang beach house sa Batangas hanggang sa nagkaroon sila ng very special relationship,” lahad ni Yasser nang makapanayam ng GMANetwork.com.
Bilang si Lantis, ibinahagi ni Alex na ito raw ang “male version ni Ariel.”
“I play to role of Lantis. I would describe him as 'yung male version ni Ariel. Very innocent 'yung outlook niya sa buhay, very naïve, very masayahin 'yung sireno na 'to.
“Matagal niya nang kilala si Nep. Even though Nep is on the beach, Lantis from the ocean siyempre pinagmamasdan niya. He watches over him so. He's just a happy [merman] na gustong maging tao para makilala niya ang kanyang ultimate crush na si Nep,” aniya.
Source: My Fantastic Pag-ibig
Kahit na ilang araw lamang sa taping ay hindi raw ito naging madali para sa kanila dahil bukod sa matagal na preparasyon para sa kanilang looks, mahirap umano mag-shoot sa dagat.
“Siguro 'yung pinaka-challenging na na-encounter namin unang-una sa lahat 'yung time spent on the make-up chair kasi siyempre prosthetics, may wig, may tattoo cover-up, siyempre may shells ako dito.
“Then 'yung studying how to move like a mermaid without using my hands, using my whole spine. Medyo naging challenging 'yon,” aniya.
Dagdag pa ni Yasser, “'Yung effort din talaga kasi fantasy siya tapos nasa dagat kami.
“Ako kasi lumaki talaga ako sa disyerto, Saudi e. So nakakahiya mang aminin pero hindi talaga ako magaling o marunong lumangoy and may mga scenes na kailangan kong malunod.”
“'Yun siguro 'yung isang challenge sa 'min 'yung sa dagat at kung paano namin ginagawa 'yung character physically.”
Wala naman daw naging problema pagdating sa pakikipagtrabaho nila sa isa't isa dahil pareho sila ng outlook pagdating sa pagtatrabaho.
“As far as work dynamics namin ni Yasser, I think pareho 'yung outlook namin pagdating sa trabaho na unang-una sa lahat kailangan kumportable kami sa isa't isa lalo na mag-kalove team kami dito. Hindi naman namin pinag-usapan pero we get to know each other.
“More of the challenge was of course nasa dagat tayo mainit 'yung araw, pasok-labas kami ng…'yung dagat tapos biglang aircon so it was more physical challenges as oppose to dynamics,” dagdag pa ni Alex.
Source: My Fantastic Pag-ibig
Samantala, bukod kina Yasser at Alex, tampok din sa mini-series sina Jo Berry bilang si Kabibabe, ang best friend ni Lantis, Cecil Paz at Skelly Clarkson.
Mapapanood ang My Fantastic Pag-ibig presents: "Fairy Tail Romance" sa March 13 at 20, tuwing Sabado, 7:45 pm sa GTV.