
Tumitindi ang bawat kaganapan sa GMA Prime series na My Guardian Alien, na pinagbibidahan nina Marian Rivera at Gabby Concepcion kasama si Max Collins.
Sa teaser na inilabas ng GMA Network sa telebisyon at social media ngayong Miyerkules (June 5), mapapanood ang pag-uusap nina Grace (Marian Rivera) at Nova (Marissa Delgado) kung saan sinabi ng una sa huli na isa siyang alien. Maniniwala kaya si Nova rito?
Bukod dito, ipinakita rin ang pagsabi ni Venus (Max Collins) kay Carlos (Gabby Concepcion) na may kinalaman si Nova sa pagkamatay ni Katherine. Dahil dito, tinanong ni Carlos ang kanyang ina kung totoo ba ang sinasabi ni Venus.
Mabubunyag na kaya ang sikreto ni Nova?
Samantala sa nakaraang episode ng My Guardian Alien, nalaman ni Grace na si Minggoy (Arnold Reyes) ang pumatay kay Katherine matapos niyang mabasa ang mga alaala nito nang bisitahin siya sa ospital.
Nagkasundo naman sina Nova at Venus na hindi nila sasabihin sa ibang tao ang nalalaman nilang sikreto ng isa't isa.
Sa pag-uusap nina Grace at Nova, sinabi ng una na aminin na ng huli kay Carlos ang totoong nangyari sa pagkamatay ni Katherine ngunit hindi niya ito nakumbinsi.
Sinundan naman ni Grace si Nova sa labas ng bahay nito at binasa ang kanyang mga alaala. Niyakap ni Grace si Nova matapos malaman ang nakaraan ng pamilya ng huli.
Subaybayan ang My Guardian Alien, Lunes hanggang Biyernes, 8:50 p.m., sa GMA Prime. Mapapanood din ito sa Pinoy Hits at Kapuso Stream.
Maaari ring mapanood ang serye sa oras na 10:30 p.m. sa GTV.
KILALANIN ANG CAST NG MY GUARDIAN ALIEN SA GALLERY NA ITO.