TV

My Husband's Lover fifth week is a week of revelations


Maraming viewers ang nag-abang sa mga nakakagulat na eksena ng ikalimang linggo ng pinakamapangahas na teleserye sa telebisyon, ang My Husband's Lover. Lahat ay tumutok sa mga pangyayari that led to Lally finally finding out about Vincent and Eric's secret relationship, at kung ano ang mga susunod niyang gagawin ngayong alam na niya ang katotohanan.

Nagtapos ang fourth week na nagdesisyon si Eric na tapusin na ang relasyon nila ni Vincent. Hindi papayag si Vincent sa gusto nito, kaya paulit-ulit niya itong susuyuin hanggang sa bumigay ulit si Eric.

Sigurado na si Lally na may ibang babae si Vincent, kaya susundan niya ito nang pumunta sa isang bahay. Nagulat si Lally nang malaman na bahay pala ito ni Sol, at anak niya pala si Eric. Maaalala ni Lally na sinabi ni Sol dati sa kanya na bading ang kanyang anak, kaya maghihinala na siya na bading nga si Eric. Tatanungin niya si Vincent tungkol dito but he will deny it. Sasabihin niyang artistic lamang si Sol kaya nasasabi nito na bading ang anak.

Ngunit hindi kumbinsido si Lally. Magtatanong siya sa ibang kakilala ni Sol kung bading ba talaga ang anak nito, at napatumayan niyang tama nga siya. Sa kanya namang muling pag-iimbistiga ay makikita niya ang spare key ng condo unit ni Eric na ibinigay nito kay Vincent. Ipapa-duplicate niya ito at magbabalak na puntahan ang kung sino man ang may-ari nito.

Saktong sa araw ng pagpunta ni Vincent sa condo ni Eric ay siya ring pagpunta ni Lally dito. Laking gulat niya ng makitang ang inaakala niyang ibang babae ng asawa ay isa palang lalake, at si Eric pa! Huling huli niya sa akto ang dalawa, at pare-pareho silang hindi nakapagsalita. Bigla na lamang hinimatay si Lally pagkatapos sabihin ang "Siya si Beh?"

Sinugod ni Vincent si Lally sa ospital at nang magkamalay ay hindi niya maiwasang tanungin si Vincent tungkol sa nadatnan niya. Sa wakas ay umamin na rin si Vincent ng totoo niyang pagkatao sa asawa, isang katotohanan na hindi alam ni Lally kung matatanggap niya o hindi.

Ano na kaya ang kahahantungan ng pag-amin ni Vincent kay Lally? At ano na ang mangyayari sa relasyon nila ni Eric?

Alamin ang mga pagbabagong magaganap sa buhay nina Lally, Vincent at Eric sa sixth week ng My Husband's Lover, pagkatapos ng Mundo Mo'y Akin, gabi-gabi sa GMA Telebabad. -- Text by Michelle Caligan, GMANetwork.com