TV

Dominic Zapata on My Husband's Lover: 'We'll play by the rules.'


Naging usap-usapan ang mapangahas na prime time hit series na My Husband’s Lover. Marami ang natuwa sa makatotohanang pagganap ng mga casts. Magaling at walang itulak-kabigin, dahil nakukuha nila ang loob ng mga manunuod. Sino nga ba ang nasa likod ng kinahuhumalingang series na My Husband’s Lover? Kilalanin ang magaling na direktor sa likod ng kamera ng My Husband’s Lover, si Direk Dominic Zapata.

Sa simula pa lang, hati na ang opinyon ng marami sa pagpapalabas ng My Husband’s Lover. May ibang natutuwa at may ibang nadidismaya. Hindi naging madali lalo na ng tuligsain ng CBCP (Catholic Bishops’ Conference of the Philippines) ang topic ng primetime series. Gayunpaman, nanatiling positibo ang pananaw ni Direk Dominic Zapata sa kabila ng mga batikos.

“In fact, natutuwa ako na they are doing their duty. Minsan iyong magulang mo, you find them to be naggers. Ganun talaga, iyong magulang. But, they mean well,” ang pahayag ni Direk Dom.

Dagdag pa niya,“Gusto ko po sabihin sa kanila, sa ating mga “magulang” [CBCP]. Salamat po sa inyong pagpapaalala. Huwag po kayong mag-alala. Hindi po kami gagawa ng bagay na taliwas po sa inyong tinuturo tungkol sa pag-ibig, sa pagmamahal.”

Katulad sa istorya, hindi pa ganun katanggap ang pagiging 'gay' sa lipunan. Konserbatibo ang nakagisnan na kultura ng ating bansa.

Ayon sa magaling na direktor, meron din namang pari na nakakaunawa sa tema ng palabas. May nagsabi pa nga, “Alam mo marami ngang ganyan, marami kaming kinacounsel na ganyan,” pahayag ni Direk Dominic.

“So aminado naman sila, they understand. It’s a fact of life nowadays, na maraming members sa ating society. I don’t think the church is ever the type of organization or institution na nanghuhusga sa pagkatao. Si Hesus nga, iyong mga outcasts ng society, iyon iyong hinahanap niya. Iyon iyong mas kailangan ng tulong eh. Mga taong inilalayo ng lipunan,” paliwanag niya.

Isinasaalang-alang ni Direk Dom ang mga itinuturing niyang magulang. Katunayan imbes na sumama ang loob, ginamit niya ang mga pangaral galing sa kanila na kasangkapan sa paggawa ng mga magagandang eksena. “So I think, personally, ang mga pari naiintindihan nila. It’s also a case to case basis. They can’t really speak absolutely about a certain thing, certain sectors of society.”

Naging usap-usapan kung bakit pumatok ang My Husband’s Lover dahil pinapanuod ito ng kahit sino, hindi lamang ng members of the third sex. Mapa mayaman man o mahirap, patok ang primetime series ng GMA.

“Palagay ko ang tagal tagal na kasing hinintay. I think the media, at least, sa entertainment has been too fearful of what the consequences might be. Pero ito na, matagal ng hinihintay and I’m glad to be part of it.”

Si Direk Dominic Zapata na ba ang nagpabago ng mukha ng telebisyon dahil sa kanyang mapangahas na palabas na naaayon sa panahon?

“Ganun ba? Palagay ko po ang telebisyon kasi ay may maraming mukha depende lang kung saan ka nakapwesto. Sa likod po ng telebisyon, ito po. Marami pong ganitong nangyayari. Pinakita lang siguro natin iyong different side. Iyong di nila nakikita.”

Ang pinakahihintay at pakiusap ng avid fans ng My Husband’s Lover ay magkaroon ng kissing scenes sila Vincent [Tom Rodriguez] at Eric [Dennis Trillo]. Mapagbibigyan kaya ang hiling ng mga fans?

“We’ll play by the rules. Of course, di ako gagawa ng bagay na against the rules. Pero oras na sabihin ng MTRCB, we’re convinced na iyon ngang ginagawa niyo is about love. Hindi siya tungkol sa kahalayan, that a kiss is an expression of love. As long as you can show a kiss on screen that is a show of true love. If it’s a kind of faithful love, kapag sabihin sa amin okay ng governing body, ng MTRCB, or whoever it may be, gagawin namin by all means. Kasi, I think iyon iyong makatotohanan.”

Marami na ang hindi makapaghintay at laging nag-aabang sa kissing scene ng lead stars ng My Husband's Lover na sina Tom Rodriguez at Dennis Trillo. Nakuha na kaya ni Direk Dominic ang “go signal” from MTRCB? “We’re still in the process of convincing them and also winning their confidence.”

Huwag palamapasin ang mga mapangahas na eksena nina Vincent, Eric at Lally sa My Husband’s Lover, gabi-gabi sa GMA Telebabad, pagkatapos ng Mundo Mo’y Akin. -- Text by Eunicia Mediodia, Photo by Bochic Estrada, GMANetwork.com.