
Challenging para kay Star of the New Gen Jillian Ward ang bago niyang role sa upcoming romantic comedy series na My Ilonggo Girl. Bukod kasi sa dual roles na gagampanan niya, ito rin umano ang unang pagkakataon na sasabak siya bilang isang maldita.
Sa Fast Talk with Boy Abunda nitong Huwebes, December 2, inamin ni Jillian na mas challenging para sa kanya ang role bilang sina Roberta (o Tata) at Venice kumpara sa huling serye niyang Abot-Kamay na Pangarap.
“Nu'ng last show ko po, na-challenge 'yung memorization skills ko para sa mga medical terms. Ito naman po, sa'kin mas mahirap siya kasi dalawa po 'yung characters. Lalo na po 'yung isa, maldita po siya,” sabi ng aktres.
Aniya, laging nakikipag-away ang karakter niyang si Venice ngunit pag-amin ng aktres, hindi siya sanay magalit. Kuwento pa niya na palagi raw siyang sinasabihan ng kanilang direktor na si Conrado Peru na magalit pa para sa ilang eksena, ngunit hindi siya sanay.
“'Pag nagagalit po kasi ako, iniiyak ko lang, tumatahimik po ako. Tapos siyempre meron pang accent, mga ganu'n po,” paglalahad niya.
Bukod sa pagganap sa dual roles, naging challenge rin sa aktres ang pagsasalita ng Hiligaynon at dahil Ilonggo din ang kaniyang ina at nagsasalita ng naturang lengguwahe, tinanong siya ni King of Talk Boy Abunda kung natulungan ba siya nito.
“Actually, growing up, naririnig ko po siya magsalita ng Hiligaynon, pero hindi niya po ako tinuruan. Tapos nagpapaturo po ako sa kanya, tapos nafu-frustrate siya sa akin, sabi niya, 'Bakit hindi mo makuha, anak?' sabi ko, 'Ma, hindi ko kasalanan, hindi mo 'ko tinuruan,'” pagbabahagi ni Jillian.
Binigyang diin din ng aktres kung gaano magkaiba ang role niya bilang si Venice sa totoo niyang buhay dahil bukod sa pagiging maldita nito, meron ding asawa ang kaniyang karakter sa katauhan ni Francis (Michael Sager), habang siya, bilang si Jillian ay wala pang love life.
“Sobrang struggle po talaga para sa akin 'yun kasi po nagmamaldita po ako, 'yung mata ko, mukha pa ring naka-smile,” sabi ni Jillian.
BALIKAN ANG ILAN SA MGA LITRATO NG EXCEPTIONAL BEAUTY NI JILLIAN SA GALLERY NA ITO: