TV

Nagbabagang Luha: Maita, nais idemanda ng ina ni Joryl

Patuloy ang pagsiklab ng mga damdamin sa pinakamainit na kuwento tuwing hapon -- ang Nagbabagang Luha.

Sa episode ng GMA Afternoon Prime series noong Martes (September 21, 2021), sinugod ni Maita (Glaiza de Castro) ang staff niyang si Joryl (Ralph Noriega) dahil inakala niyang ito ama ng ipinagbubuntis ni Cielo (Claire Castro).

Buo ang paniniwala ni Maita na si Joryl ang nakabuntis sa kanyang menor de edad na kapatid nang malamang magiging ama na ang masipag na trabahador.

Naitulak ni Maita si Joryl sa hagdan dala ng galit at nagtamo ito ng sugat sa ulo.

Nagulat si Cielo sa ginawa ng kanyang ate at sinabing hindi ang lalaki ang nakabuntis sa kanya.

Aksidenteng natuklasan ni Calida (Gina Alajar) ang pagbubuntis ni Cielo matapos mag-eskandalo ang ina ni Joryl sa resort.

Dahil sa trauma ng anak, nais ng ina ni Joryl na idemanda si Maita.

Inalala naman ni Calida ang magiging imahe ng kanyang resort. Pero, bilang asawa ni Maita, prayoridad ni Alex (Rayver Cruz) na maayos ang gulo sa pagitan ng kanyang misis at ina ni Joryl.

Pinagbibidahan nina Glaiza De Castro at Rayver Cruz ang Nagbabagang Luha, kasama si Claire Castro.

Tampok din sa serye sina Mike Tan, Alan Paule, Archi Adamos, Myrtle Sarrosa, Royce Cabrera, Karenina Haniel, at Ms. Gina Alajar.

Mula sa direksyon ni Ricky Davao, ang Nagbabagang Luha ay mula sa nobela ni Elena Patron na isinapelikula noong 1988 ng Regal Films.

Mapapanood ang GMA Afternoon Prime series mula Lunes hanggang Sabado, 2:30 p.m., pagkatapos ng Eat Bulaga sa GMA-7.

Sa mga nais balikan ang full episodes ng Nagbabagang Luha at iba pang programa ng GMA, pumunta lang sa GMANetwork.com o GMA Network app.

Para naman sa mga Kapuso abroad, bisitahin ang www.gmapinoytv.com para sa iba pang impormasyon kung paano mapapanood overseas ang drama series.