TV

Jaclyn Jose, muling mapapanood sa 'Nagbabagang Luha'

By Jansen Ramos

Maraming dahilan para hindi ka bumitiw sa nalalapit na pagtatapos ng pinakamainit na kuwento tuwing hapon, ang Nagbabagang Luha.

Isa riyan ang pagbabalik ng 2016 Cannes FIlm Festival Best Actress na si Jaclyn Jose na gumaganap sa papel na Mercy.

Pahapyaw lang napanood si Jaclyn sa ilang episodes ng GMA Afternoon Prime series at iba rito ay flashback scenes pa.

Pero sa huling linggo ng Nagbabagang Luha ay mas matagal mapapanood ang magaling na aktres na talaga namang kaabang-abang dahil may kinalaman ang kanyang karakter sa crucial turning point ng istorya.

Sa serye, si Mercy ang ina nina Maita at Cielo na ginagampanan nina Glaiza De Castro at Claire Castro.

Materyosa at mahilig sa pera si Mercy kaya naman sumama sa foreigner boyfriend na nakilala niya through chat.

Pakiramdam kasi ni Mercy ay wala siyang future sa asawang si Paeng (Alan Paule) lalo pa noong natanggal ito sa trabaho sa Saudi at umuwi ng Pilipinas.

Si Maita naman ay 15 years old lamang nang maghiwalay ang kanilang mga magulang kaya siya na ang tumayong nanay ng nakababatang kapatid na si Cielo, na pitong taong gulang pa lang noon.

Kulang sa pagmamahal at atensyon ng isang ina si Cielo kaya ang resulta, naging pariwara at rebelde.

Sa pagbabalik ni Mercy, maresolba kaya ni Cielo ang personal niyang isyu?

At manaig kaya ang kapatawaran sa pagitan ng mag-i-ina?

Masasagot ang mga tanong na 'yan sa finale week ng Nagbabagang Luha na mapapanood tuwing 2:30 p.m. sa GMA Afternoon Prime.