TV

Vaness Del Moral, malayong-malayo sa karakter niya sa 'Nakarehas Na Puso'

By Aaron Brennt Eusebio

Noong Biyernes, October 14, lumabas na si Vaness Del Moral bilang si Lea, ang panganay sa magkakapatid na Galang sa GMA Afternoon Prime series na Nakarehas Na Puso.

Ginampanan ni Barbara Miguel si Lea noong bata pa ito kasama sina Miggs Cuaderno, Franchesco Maafi, at Cassandra Lavarias bilang mga kapatid ni Lea na sina Miro, Nonoy, at Olive.

"I am a prisoner of anger. Si Lea kasi dito [ay] galit na galit na galit siya sa nanay niya dahil ang alam niya ay ang nanay niya ang dahilan kung bakit sila nagkahiwa-hiwalay, nagkawatak-watak na pamilya kaya grabe 'yung galit niya sa nanay niya," paliwanag ni Vaness tungkol sa kanyang karakter.

"'Yung character ko, bilang inang anak, galit sa nanay. Bilang isang nanay, akala niya na kapag naibigay niya lahat ng gusto ng anak niya, materially, okay na. Hindi niya alam na mayroon ding pagmamahal, may emotional aspect na [kailangang] ibigay doon sa anak niya."

Mayroong anak si Lea, si Nica, na ginagampanan ni Ashley Sarmiento.

Pagpapatuloy pa ni Vaness, "Ang sinasabi nga ni Lea, 'Gagawin ko ang lahat para sa anak ko pero hindi ko gagawin 'yung ginawa ng nanay ko,' pero hindi niya alam, technically, halos parang ginagawa na niya 'yung ginawa ng nanay niya."

Sa totoong buhay, may anak na rin si Vaness at ang kanyang non-showbiz husband. May pagkakapareho kaya sila ng karakter niya sa Nakarehas Na Puso?

"Wala! Sobrang malayo, sobrang malayong-malayo," mabilis na tugon ni Vaness.

"Unang-una, hindi ako mapagtanim ng sama ng loob. Mabilis ako magpatawad, lalo na kapag humingi ng tawad at saka nagpakita ng sincerity sa paghingi ng tawad 'yung taong nakagawa ng kasalanan sa akin.

"But there are instances din na kahit hindi pa sila humihingi ng tawad sa akin, it's for myself, so napatawad ko na sila."

Panoorin si Vaness bilang ang panganay na si Lea sa Nakarehas Na Puso, Lunes hanggang Biyernes, 4:15 p.m. sa GMA Afternoon Prime pagkatapos ng Return To Paradise.

SAMANTALA, KILALANIN ANG IBA PANG MGA KARAKTER SA NAKAREHAS NA PUSO DITO: