TV

Miguel Tanfelix on special children: “Tao rin sila, may feelings din sila

PHOTO BY ELISA AQUINO, GMANetwork.com

By AL KENDRICK NOGUERA

Marami ang nakakapansin sa galing ng Kapuso young actor Miguel Tanfelix sa 'Niño'. Ayon sa aktor, malaki raw ang naitulong sa kanya ng special children na katulad ng kanyang character sa GMA Telebabad soap.

Kuwento ni Miguel, noong umpisa raw ay nahihirapan siya sa pagganap ng character niya dahil kung ikukumpara sa roles niya dati, ito na raw ang maituturing niyang pinakamabigat. Pero aniya, pagkalipas daw ng ilang buwan ng pag-arte bilang isang mentally-challenged na character ay nakapag-adjust na siya.

Sa katunayan nga raw ay naiuuwi niya na sa bahay si Niño. “Minsan [nadadala ko sa bahay]. Minsan kasi parang natural na sa 'kin 'yung role,” pahayag ni Miguel.

Kung dati raw ay nag-i-internalize pa siya bago mag-take, ngayon daw ay kusa nang lumalabas ang character niya. Saad niya, “Kasi 'di ba medyo matagal ko na rin siyang ginagawa, ilang months na rin. So once na narinig ko 'yung action, automatic na po 'yon na mag-shift ako bigla.”

Dagdag pa ni Miguel, “Siguro iniisip ko talaga na isa akong 7 years old. Kakalimutan ko na 15 years old ako. Tapos lahat 'yon magfa-follow na lang like 'yung kamay, 'yung mata, 'yung pagsasalita.”

Isa pa raw na tumulong kay Miguel para sa pagganap kay Niño ay ang special children. Malaki raw ang utang na loob ni Miguel sa kanila.

“Dati kasi nag-observe ako sa school namin na may SPED (Special Education). So nag-request ako sa principal namin kung puwede ba akong mag-observe sa SPED [classes] para rin sa preparations ko sa Niño,” kuwento niya.

Bukod sa observation ni Miguel, mayroon din daw siyang realization pagkatapos niyang makakita ng special children. “Hindi mo sila dapat itrato nang iba sila kasi tao rin sila, may feelings din sila. Parang pagtrato natin sa hayop, itrato natin sila na parang kapatid din natin,” bahagi niya.