TV

Bianca Umali, loyal kay Miguel Tanfelix

By AL KENDRICK NOGUERA

PHOTO BY BOCHIC ESTRADA, GMANetwork.com

Maraming fans ang kinikilig sa tambalang Niño at Gracie na binibigyang-buhay nina Miguel Tanfelix at Bianca Umali. Sa katunayan nga ay parami na raw nang parami ang fans ng teen stars.

“Nakakatuwa na malaman mong maraming sumusuporta sa inyo, sa love team namin ni Bianca. Kaya sobrang pasasalamat ko, saka sana habang dumarami sila ay mas tumatatag ‘yung fans club,” bahagi ni Miguel sa Chika Minute report ni Aubrey Carampel.

Ani Bianca, “Sila po ‘yung nangunguna sa pagsuporta sa ‘min at sa lahat ng ginagawa namin. At dahil po sa kanila kaya rin kami nano-notice ng ibang tao na hindi pa kami kilala.”

Kasabay ng positive comments sa love team nina Bianca at Miguel ang lalong gumagandang relationship ng dalawa. Saad ni Bianca, “Actually very comfortable na 'ko with Miguel. And also, I'm happy na with him ako nabi-build up.”

Apat na shows na ang pinagsamahan ng dalawa na nag-umpisa sa Paroa: Kuwento ng Mariposa. Agad namang sinundan ito ng dalawa pang shows na Love and Lies at Mga Basang Sisiw. At ngayong taon, muling inihandog ang love team nila sa first title role ni Miguel na Niño.

“Four shows na kaming nagtatrabaho na magka-love team kami. And it's nice na pinu-push talaga nila na makilala 'yung team-up namin,” pahayag ni Bianca.

Nang tinanong namin si Bianca kung sino ang gusto niyang maka-loveteam sa mga susunod niyang proyekto, anang aktres, hindi naman daw siya choosy sa mga katrabaho. ”Siguro bahala na 'yung GMA, kasi ako po I don't want to pick po kasi. Kumbaga I'm open po with working with anyone.”

Pero nang pinilit namin siya, lumitaw pa rin ang pangalan ng Niño star. “Sa love team, I’m open po to be teamed up with someone else or if si Miguel pa rin, it's fine,” aniya.