TV

Top 5 aral sa buhay mula sa 'Niño'

By AL KENDRICK NOGUERA

Maraming aral sa buhay ang ipinararating ng Niño sa mga manonood. Narito ang top 5 na aral sa buhay mula sa mga eksena ng Telebabad soap noong nakaraang linggo.

1. Huwag ipasa sa iba ang kasalanan



Matagal na palang itinatago ni Don Pedro at Hannah ang katotohanan. Si Don Pedro pala ang dahilan ng pagkamatay ng mga magulang ni Leny. Alam nina Don Pedro na mayroong nadadawit na pangalan dahil hindi niya inamin ang kanyang kasalanan.

Aral: Masamang ipasa sa iba ang iyong kasalanan dahil hindi dapat pagdusahan ng ibang tao ang resulta ng iyong maling ginawa.

2. Huwag magbibintang



Dahil walang kaalam-alam sina Leny at Lola V sa lihim ni Don Pedro, naniniwala silang si Mang Ruben ang nakasagasa sa mga magulang ni Leny noon. Pero itinatanggi naman ito ni Mang Ruben dahil alam niyang hindi siya ang dahilan. Ayaw naman siya paniwalaan nina Leny at pilit pa rin siyang sinisisi sa kasalanang hindi naman niya ginawa

Aral: Huwag magbintang kung walang kang pruweba dahil maaaring mali ang taong pinaghihinalaan at sinisisi mo.

3. Matutong magpatawad



Sa wakas ay inamin na rin nina Don Pedro at Hannah kina Leny at Lola V ang katotohanan. Noong una ay hindi matanggap ni Lola V ang paghingi ng tawad ni Don Pedro sa kanila. Pero makalipas ang ilang araw ay binisita ni Don Pedro ang matanda para ulitin ang paghingi ng tawad. Pinatawad naman siya ni Lola V dahil ayaw na niyang magtanim ng sama ng loob.

Aral: Kahit mahirap ay matutong magpatawad sa taong nagsisisi sa kanyang nagawa.

4. Matutong maghintay



Hindi ganoong kadali para kay Leny na patawarin si Hannah. Itinuring na niya kasi itong kapatid dahil matalik silang magkaibigan. Ngunit katumbas ng malalim nilang relasyon ang sakit na nararamdaman ni Leny dahil pinagtakpan ni Hannah ang ama.

Aral: Kung nagkasala ka at hindi ka pa kayang patawarin, matuto kang maghintay. Minsan ay panahon lamang ang kailangan upang tuluyang mawala ang sakit.

5. Tuparin ang pangako



Mayroong inihandang tula si Niño para pasiyahin ang kanyang Naynay Leny. Nagkaroon ng maliit na dulaan sa pansiterya nina Leny at sina Cocoy at Matmat ang umarte. Hindi dumating si Gracie na inaasahan nina Niño kaya’t nagtampo sa kanya ang kaibigan. Nangako raw kasi si Gracie kay Niño na pupunta siya sa inihandang dulaan ni Niño.

Aral: Huwag mangangako kung hindi naman kayang tuparin.

Maraming aral pa ang mapupulot ninyo sa Niño kaya’t patuloy lamang ito subaybayan gabi-gabi pagkatapos ng 24 Oras.