TV

'Onanay,' magbabalik sa telebisyon simula March 30

By Marah Ruiz

March 30, magbabalik sa telebsiyon ang isa sa mga pinakakinagiliwang GMA series, ang Onanay.

Muli itong mapapanood tuwing Lunes hanggang Biyernes, 3:20 pm sa GMA Afternoon Prime.

Balikan ang kuwento ni Onay (Jo Berry), isang babaeng may kondisyong achondroplasia na dahilan kung bakit mas maliit ang kanyang katawan kaysa sa ibang tao.

Haharap siya sa diskriminasyon, pero lagi namang nakaalalay sa kanya ang mapagmahal na inang si Nelia (Nora Aunor).

Tunay na masusubok ang tatag ni Onay nang magkaroon siya ng sariling mga anak.

Si Maila (Mikee Quintos) ang kanyang panganay na tila hindi niya magawang mahalin dahil bunga ito ng isang malagim na pangyayari sa buhay niya.

Si Natalie (Kate Valdez) naman ang anak na nawalay sa kanya at hindi matanggap ang kanyang kondisyon.

Dala na rin ito ng panunulsol ni Helena (Cherie Gil), ang mayaman at mapagmataas na babaeng nagpalaki dito.

Tunghayan muli ang laban ni Onay para sa pag-ibig, pamilya at pagtanggap sa Onanay, 3:20 pm Lunes hanggang Biyernes simula March 30 sa GMA Afternoon Prime.