TV

Milkcah Nacion, gustong maging fashion designer balang araw


Ang Kapuso child actress na si Milkcah Nacion ay gumaganap bilang Isang sa One Day Isang Araw. Alamin kung anu-ano pa ang kanyang mga paboritong gawin at mga pangarap sa buhay.

Bumisita ang GMANetwork.com sa set ng One Day Isang Araw noong August 3. Nakakuwentuhan namin si Milkcah, at tinanong namin kung anu-ano ang kanyang mga hilig.

In between takes, naglalaro daw sila ng co-star niyang si Jillian Ward ng Barbie, Hello Kitty, Badminton, at Candy Crush Saga. Kapag kasama naman ang iba pa niyang co-stars na sina Joshua Uy at Marc Justine Alvarez, madalas daw silang maglaro ng iPad, at Mindcraft daw ang paborito nilang game. Nabanggit din ni Milkcah na hilig niya ang mag-drawing. Ayon sa kanya, “Tinatry ko po ngayon, ‘yung magdrawing ng mga duwende at mga dolphin po.”

“Tito ko po ang nagturo sa akin magdrawing. Kasi po, noong 4 years old po ako, stick lang po ‘yung kaya ko i-drawing, pero maganda po ‘yung buhok,” dagdag ng child star.

Naitanong din namin kung ano ang gusto niyang maging paglaki niya.

Sabi ni Milkcah, “Gusto ko pong maging fashion designer, kasi po mahilig po ako magdesign kapag po walang ginagawa. Dresses po ang gusto kong gawin. Nagsta-style po ako ng hearts, flowers at kahit anu-ano pong style.”

Kinuwento rin ni Milkcah na hindi naman daw siya nahihirapang pagsabayin ang pag-aartista at pag-aaral.

Aniya, “Marami po akong friends sa school. Tinanong po nila ako kung sino ang next na magkukuwento [sa One Day Isang Araw] sa susunod na Sabado, tapos sabi ko, secret! Surprise! Sabi nila, sige, aabangan namin lagi ‘yung show mo.”

“Tinanong pa po ‘nung teacher namin kung sino ang nanonood ng One Day Isang Araw, tapos lahat sila nagtaas ng kamay kasi po lahat sila, nanonood ng One Day Isang Araw,” dagdag niya.

May pagkakapareho ba si Milkcah sa karakter niyang si Isang sa One Day Isang Araw? Ayon kay Milkcah, “May isa pong pareho po kami. Kapag nanonood ng malungkot, naiiyak din po ako.”

Paano ba siya natutuong umarte? “’Nung four years old po ako, mahilig na po akong umarte. Sa harap po ng salamin, doon po ako umaarte,” pagbabahagi niya.

Anu-ano pang mga roles ang gusto niyang gampanan in the future?

“Siguro po, mataray po,kasi po lagi akong mabait. Isa lang po ‘yung mataray ako, ‘yung sa Daldalita po. Gusto ko rin pong makatrabaho si Ate Marian Rivera. Gusto ko po, mag-ina kami,” ani Milkcah.

Kasalukuyang napapanood si Milkcah Nacion sa One Day Isang Araw tuwing Sabado sa GMA. --Text by Samantha Portillo, Photo by Bochic Estrada, GMANetwork.com