TV

Mga Kwento ng pagsisikap at diskarte ngayong Linggo sa Para Sa ‘Yo Ang Laban Na Ito


Ngayon Linggo (Pebrero 17), matutunghayan ang dalawang kwento tungkol sa pagsisikap at diskarte sa buhay sa Para Sa ‘Yo Ang Laban Na Ito kasama ang Pambansang Kamao Manny ‘Pacman’ Pacquiao at Kapuso seasoned actress Jean Garcia.
 
Ang unang kwento ay ang buhay ni Token Baltazar, isang 32-anyos na tubong Baler. Bagamat galing sa mahirap na pamilya, matagumpay niyang naigapang ang sarili na makatapos ng kolehiyo. Gayunpaman, kasalukuyan siyang walang trabaho dahilan na rin ng pagiging mahina ng loob.
 
Dapat din abangan ang kwento ng Kapuso Kusina Master na si Chef Boy Logro. Tubong Biliran, Leyte si Chef Boy. Tulad ng unang kwento, mahirap din ang pamilya niya kaya’t hanggang Grade 6 lamang ang inabot niya sa pag-aaral. Ngunit dahil sa pagsisikap at diskarte, pinatunayan niyang hindi hadlang ang kahirapan sa kanyang mga pangarap. Mula sa pagiging house boy sa Maynila ay naging kauna-unahan at nag-iisang executive chef sa isang 5-star hotel dito sa Pilipinas.
 
Hindi rin nalalayo ang kwento at pinagmulan ni Manny. Maging si Manny ay magkukwento rin ng kanyang buhay kabataan hanggang sa maabot niya ang tagumpay sa larangan ng boxing.
 
Maging inspirasyon kaya   kay Token ang mga kwento nina Chef Boy at Manny? Malabanan pa kaya niya ang kahinaan ng loob? Matuto kaya siyang dumiskarte para maabot ang kanyang mga pangarap?
 
Alamin ang magiging desisyon ni Token na magpapabago sa takbo ng kanyang buhay sa Para Sa ‘Yo Ang Laban Na Ito ngayong Linggo ng gabi pagkatapos ng Imbestigador sa GMA.