TV

Joyce Ching at Phytos Ramirez, umaming lumalabas na silang dalawa


May bagong love team na nabubuo sa GMA Telebabad show na Paraiso Ko’y Ikaw. Ito ay ang PhyJoy o tambalang Phytos Ramirez at Joyce Ching.

Ito pa ang unang beses na nagkatrabaho sina Joyce at Phytos. Sa katunayan nga ay tuwang-tuwa raw si Phytos nang malaman na ang Kapuso actress ang kanyang makakatambal.

Ayon sa bagong Kapuso actor, bata pa lamang daw sila ni Joyce ay magkakilala na sila pero sa Paraiso Ko’y Ikaw lang daw sila naging close. In fact, may mga bali-balitang lumalabas na raw sina Joyce at Phytos kaya’t itinanong ng GMANetwork.com mismo sa dalawa ang katotohanan sa isyu na ito.

Kinumpirma naman kaagad ito ni Phytos at sinabing may pagkakataong lumalabas talaga silang dalawa ni Joyce. “Kagabi lumabas kami with friends. Nanood kami ng movie,” aniya.

Mayroon din daw nakakita sa kanila na sabay silang nagpupunta sa gym. Si Joyce naman ang nagkuwento na totoo raw na minsan ay nagsabay nga sila ni Phytos.

Paliwanag ni Phytos, wala naman daw ibang ibig sabihin ang paglabas nila ni Joyce. “Okay naman kasi friends naman kami ni Joyce, matagal na kaming magkakilala so walang malisya sa amin kung lalabas kaming dalawa lang,” saad niya.

Ngayon pareho ng single sina Joyce at Phytos. Matagal na raw walang karelasyon si Phytos. Samantalang si Joyce naman ay kaka-break lang kay Kapuso actor Kristoffer Martin noong nakaraang taon.

Nang tanungin si Joyce kung sino ba ang mas guwapo kina Phytos at Kristoffer, sinabi niyang parehas naman daw silang guwapo. “Magkaiba po sila ng itsura, si Kristoffer guwapong Pinoy. Siya (Phytos ay) guwapong Greek,” sagot niya.

Napansin din namin na alagang-alaga ni Phytos si Joyce kaya itinanong namin sa kanya kung ano ang ibig sabihin ng pagiging sweet niya sa aktres. “Wala naman. Siyempre magka-love team kami sa show kaya nag-aalalayan kami,” aniya.

Dagdag pa niya, “Lagi naman akong narito sa mga friends ko in case na kailangan nila ng mga advice. Narito lang ako para sa kanila.”

Si Phytos na ba ang bubuo sa puso ni Joyce? Patuloy munang subaybayan ang tambalang Joyce Ching at Phytos Ramirez sa Paraiso Ko’y Ikaw, weekdays after Tale of Arang on GMA Telebabad.

- Text by Al Kendrick Noguera, Photo by Bochic Estrada, GMANetwork.com