TV

Ang pagkikita nina Josephine at Edward


Sa mga hindi nakapanood ng episodes last week, narito ang mga kapana-panabik na eksena ng Paraiso Ko’y Ikaw:

Nabigla si Yvette (Jessa Zaragoza) nang malamang may tumawag sa opisina ng Yntimassi para kausapin si Edward Rodrigo (Gabby Eigenmann). Ang tumawag ay si Sonya (Ynez Veneracion), ang tiyahin ni Josephine (Kim Rodriguez). Dahil nabahala si Yvette na ang tumawag ay ang nawawalang anak ni Edward, gumawa siya ng paraan para mapigilan ito.

Naghanap si Yvette ng magpapanggap bilang tunay na anak ni Edward. Ipinakilala niya si Iska sa asawa. Tuwang-tuwa si Edward nang makita ang inakala niyang anak. Masaya naman si Yvette dahil akala niya ay naisahan niya si Edward. Ngunit dahil sa sunod-sunod na tanong ni Edward kay Iska tungkol sa kabataan niya, nagdesisyon ang tunay na ina ni Iska na itigil na ang pagpapanggap dahil mapapahamak lang sila kapag nabisto sila ni Edward. Hindi nagtagumpay si Yvette at nagalit si Edward dahil niloko siya ni Iska. Hindi niya alam na si Yvette ang pasimuno sa panloloko sa kanya.

Samantala, nawala naman ang diary ni Teresa, ang tanging alaala at pruweba ni Josephine na anak siya ni Edward. Walang kaalam-alam sina Josephine at Sonya na si Berto (Neil Ryan Sese) ang kumuha ng diary at ibinigay niya ito sa pinsang si Yvette. Sinunog ito ni Yvette para wala nang maging pruweba si Josephine na anak siya ni Edward.

Ngunit hindi sumuko si Josephine. Nagpunta siya nang mag-isa sa Yntimassi para puntahan ang ama. Nang makita niya si Edward, tinawag niya itong itay. Ngunit hindi siya pinansin ni Edward dahil inakala niyang isa na namang manloloko ang nais na umabuso sa paghahanap niya sa nawawalang anak. Pero nagpumilit pa rin si Josephine at nakapasok siya sa mismong opisina ni Edward. Nagpakilala si Josephine kay Edward na siya ang anak ni Teresa. Ayaw maniwala ni Edward pero nang malaman niyang Josephine ang pangalan ng dalaga, naalala niyang Josephine ang balak nilang ipangalan sa anak nila ni Teresa kung sakaling babae ito. Nagdesisyon si Edward na sumailalim sila ni Josephine sa isang DNA test.

Gumawa na naman ng paraan si Yvette para hindi mag-match ang DNA nina Josephine at Edward. Nagpagawa siya ng pekeng DNA results na ipapalit niya sana sa resulta na ibibigay ng doktor. Ngunit hindi na naman nagtagumpay si Yvette dahil idiniretso ng doktor kay Edward ang resulta. Ipinatawag ni Edward si Josephine para naroon siya kapag nalaman ang resulta. Nang makita ni Edward ang resulta, napaiyak na lamang siya at humingi ng tawad sa anak niyang si Josephine. Nag-match nga ang kanilang DNA. Ikinuwento ni Josephine kay Edward ang buhay niya sa Isla de Amor. Nagpasya si Edward na puntahan ang puntod ni Teresa sa isla at ipinahukay niya ito para ilipat ng libingan.

Pagbalik nila sa bahay ng mga Rodrigo, nagsimula nang maging malupit sina Yvette at Cheska (Joyce Ching) kay Josephine. Alam ni Yvette na mas mahal ni Edward si Teresa sa kanya. At dahil anak ni Teresa si Josephine, mas mapapalapit ang loob ni Edward sa kanya at mapapalayo naman ito kay Cheska.

Ano kaya ang mga plano nina Yvette at Cheska para mapaalis si Josephine? Kayanin kaya ni Josephine ang gagawing pagpapahirap ng mag-ina?

Patuloy na subaybayan ang Paraiso Ko’y Ikaw, weekdays after Tale of Arang on GMA Telebabad.

- Text by Al Kendrick Noguera, GMANetwork.com