TV

Hanggang kailan ko kaya matitiis ang pang-aapi sa akin nina Tiyang Yvette at Cheska? - Josephine


Nang magka-isip ako, tanging sina Tatay Artemio, Tiyang Sonya at Tupe lamang ang nakakausap ko. Lumaki ako sa isla na kapiling ang tatlong taong hindi ko naman kaano-ano. Sina Tatay Artemio at Tiyang Sonya ang nagpalaki sa amin ni Tupe. Kahit na itinago nila ang kanilang nalalaman tungkol sa tunay kong mga magulang, mahal ko pa rin sila lalo na si Tatay Artemio na nagbuwis ng kanyang buhay para sa akin.

Sobrang pinagsisisihan ko ang binalak namin ni Tupe na pag-alis ng isla. Dahil dito, namatay si Tatay Artemio at tuluyan pa kaming nagkahiwalay ni Tupe. Hindi ko alam kung saan na napadpad si Tupe. Hindi ko nga alam kung buhay pa siya. Matagal ko siyang hinintay sa isla pero hindi na siya nagbalik.

Dahil kami na lang ni Tiyang Sonya ang natira sa isla, nagdesisyon kaming iwan ang lugar na punong-punong ng aking alaala kina Tatay Artemio at Tupe. Pumunta kami sa bayan para hanapin si Edward Rodrigo, ang tunay kong ama ayon sa diary ni Nanay Teresa. Pero hindi naging madali ang paghahanap namin kay Itay. Napakalaki pala ng bayan at ganito pala ang itsura sa labas ng isla. Napakaraming tao sa paligid, hindi ako sanay.

Tinulungan ako ni Tiyang Sonya na maghanap kay Itay. Matagal din namin siyang hinanap dahil sa laki ng bayan. Habang naghahanap kami noon, nakita ko ang pangalan ni Itay sa isang dyaryo. Ang guwapo pala ng Itay ko! Sikat pala siya at mayroon siyang sariling kumpanya. Dahil marami ang nakakakilala kay Itay, mas naging madali para sa amin na matunton siya.

Pinuntahan ko si Itay sa lugar na pinagtatrabahuhan niya. Noong una ko siyang nakita, tinawag ko siyang Itay. Tumingin naman siya sa akin pero hindi niya ako pinansin. Pero hindi ako sumuko, pumasok ako sa building na pinasukan niya at nakarating ako sa mismong opisina ni Itay. Doon ko na sinabi sa kanya ang lahat. Nagpakilala ako bilang anak niya kay Inay Teresa. Pero hindi siya basta-basta naniwala sa akin. Gusto niya raw na magpa-DNA test kaming dalawa. Hindi ko alam ang tinutukoy niyang test kaya’t ipinaliwanag ito sa akin ni Tiyang Sonya. Bago kami maghiwalay ni Itay, hiniling kong yakapin ko siya sa unang pagkakataon. Pumayag siya at isang mahigpit na yakap ang ginawa ko sa kanya. Ramdam na ramdam ko noon ang pagmamahal ng isang amang matagal ko nang hinahanap.

Makalipas ang ilang araw pagkatapos kami kuhanan ng DNA sample, lumabas na ang resulta. Nagulat na lang ako nang biglang umiyak si Itay at niyakap niya ako pagkatapos niyang makita ang resulta. Humingi siya ng tawad sa akin. Hindi ko na rin napigilan ang emosyon ko at napaiyak na rin ako dahil sa tuwa. Malungkot man na hindi ko nakapiling ang aking ina, masaya pa rin ako dahil kahit paano ay narito na sa tabi ko si Itay. Para akong prinsesa sa bahay, inaasikaso talaga ako ni Itay. Ngayon ko lang naramdaman ang maalagaan ng tunay kong ama, ang sarap pala!

Pero ang sayang nararamdaman ko ngayon ay mayroong kapalit na pagmamalupit. Kasama ko kasi sa bahay ni Itay ang kanyang asawa na si Tiyang Yvette at ang anak nilang si Cheska. Ayaw na ayaw nila na naroon ako sa bahay. Lagi nila akong inaaway at pinagmamalupitan. Naalala ko nga noong isinubsob ako ni Tiyang Yvette sa sahig at binuhusan ako ng harina. Awang-awa ako sa sarili ko noon. Pero kahit na masakit, tinitiis ko lahat ng iyon dahil ayokong mawalay kay Itay. Binalaan din ako ni Tiyang Yvette na huwag ko raw isusumbong kay Itay ang pang-aapi nila sa akin. Sa mga ganitong panahon ko naaalala ang simple at masayang buhay ko sa isla kasama sina Tatay Artemio at Tupe.

Hanggang kailan ko kaya matitiis ang pang-aapi sa akin nina Tiyang Yvette at Cheska? Kailan kaya nila ako matatanggap?  – Josephine

Patuloy na subaybayan si Kim Rodriguez bilang Josephine sa Paraiso Ko’y Ikaw, weekdays before 24 Oras sa GMA Telebabad. – Text by Al Kendrick Noguera, GMANetwork.com