TV

Phytos Ramirez, nagpapaka-body guard daw kay Joyce Ching?


Noong mga bata pa lamang sila ay nagkrus na ang mga landas nina Kapuso actors and Paraiso Ko’y Ikaw love team Joyce Ching at Phytos Ramirez. Pero kahit noon pa man sila nagkita, ngayon pa lang daw sila nagkasama sa trabaho.

“Nagkasama na kami sa mga kung saan-saan na fashion show o mga commercial. Pero ngayon pa lang kami nagkatrabaho na may isip na. Tapos sa isa pang soap na love team pa kami,” pahayag ni Joyce.

Ayon kay Joyce, hindi raw nila naiwasan ni Phytos na magkaroon ng hiyaan noong mga unang beses nilang magkita. “Siyempre may hiya kasi bata pa kami noong huli kaming nagkita plus hindi rin naman kami naging sobrang close noong mga bata pa kami,” paliwanag niya.

Kuwento ni Joyce, kahit daw may ilangan noong umpisa ay naging mabilis din naman silang naging close ni Phytos kaya’t naging komportable na raw siya ngayon sa kanyang love team. Paliwanag ni Joyce, siya lang daw talaga ang kilala ni Phytos dito sa GMA kaya’t alam niyang siya ang unang lalapitan ng bagong Kapuso actor.

Aniya, ibang-iba na raw si Phytos kung ikukumpara siya noong kabataan nila. Kung dati raw ay puro laro lang ang nasa isip niya, ngayon daw ay napaka-gentleman na ni Phytos sa kanya at napakamatulungin daw nito.

“Minsan nga sinasabihan ko siya na mukha ka nang body guard kasi sobra talaga ‘yung pag-alalay niya. As in ‘yung pag-alalay niya talaga very bodyguard talaga 'yung dating. Sabi ko, sige ako na lang ‘yung hahawak sa 'yo. Kasi sobrang lagi siyang nag-o-offer ng helping hand,” kuwento ni Joyce.

Isa pa raw sa napansin ni Joyce kay Phytos ay ang pagka-conscious nito sa katawan. “Sobrang concerned siya sa katawan niya. As in siya talaga 'yung tipo ng artista na i-improve niya talaga 'yung physical appearance niya dahil artista siya. As in sa lahat, pati sa pimples,” saad niya.

Dagdag pa ni Joyce, sobrang observant din daw ni Phytos sa kanya. “As in nahihiya na lang ako minsan kapag sinasabi niyang - mayroon ka bang pimple sa ilong? Parang may butlig ka. Tapos ako, hala nakakahiya naman, mas makinis pa sa 'kin 'yung partner ko,” aniya.

Pero ayon kay Joyce, masaya siya ngayon sa love team nila ni Phytos. Natutuwa rin daw siya sa mga tumatangkilik sa tambalan nila lalong-lalo na raw ang PhyJoy fans na sobrang nagbibigay ng suporta sa kanila.

Ano ba ang message ni Joyce sa PhyJoy fans? “Hindi ko kayo kilala pero maraming-maraming salamat. Sana ma-meet ko rin kayo soon. Thank you sa pagtanggap niyo sa 'min ni Phytos kahit first time pa lang namin magkatrabaho ever, tapos first time namin magiging magka-love team.”

Patuloy na subaybayan sina Joyce Ching at Phytos at abangan ang mga huling araw ng Paraiso Ko’y Ikaw, weekdays after GMA Sinebabad on GMA Afternoon Prime. - Text by Al Kendrick Noguera, Photo by Elisa Aquino, GMANetwork.com