TV

Ang pagwawakas ng 'Paraiso Ko'y Ikaw'


Muli nating balikan ang mga pangyayari ngayong linggo sa Paraiso Ko’y Ikaw. Ano-ano nga ba ang maaaring mangyari sa pagwawakas nito?

Nahanap na ni Josephine ang kanyang tunay na ama. Ngunit kasabay ng kasiyahang nadarama niya ang panganib sa buhay niya dahil gusto siyang burahin sa mundo ng madrastang si Yvette.

Siya ang idinidiin ni Yvette sa pagkamatay ni Herminia. Alam ni Josephine na si Yvette ang may kasalanan dahil sinabi ito sa kanya ng kanyang lola bago siya bawian ng buhay. Ipinarating ni Josephine ang sinabi ng kanyang lola kay Edward at dahil dito, pagtatangkaan ni Yvette ang buhay niya.

Nalaman na rin ni Cheska ang katotohanan dahil narinig niya sina Yvette at Berto na pinag-uusapan ang ginawa nila kay Herminia. Nagalit si Cheska sa ina ngunit pipigilan siya ni Yvette na sabihin ang nalalaman kay Edward.

Nakatakas si Cheska sa mga kamay ng dalawa kaya’t nasabi niya kay Edward na ang ina ang pumatay sa lola niya.

Nagkagulo sa lamay ni Herminia dahil tinangay nina Yvette at Berto si Josephine.

Ito ang tagpong maaabutan nina Tupe at Brix kaya’t makikisali na rin sila sa habulan para iligtas si Josephine. Pursigido si Yvette na patayin si Josephine.

Ano kaya ang kapahamakang naghihintay kay Josephine? Mapapahamak din ba si Tupe? Maililigtas ba ni Tupe ang babaeng pinakamamahal?

Abangan ang finale ng Paraiso Ko’y Ikaw, pagkatapos ng GMA Sinebabad on GMA Telebabad. - Text by Al Kendrick Noguera, GMANetwork.com