TV

Kim Rodriguez at Kristoffer Martin, handa na sa kissing scenes


Noong nakaraang Biyernes lang lumabas sina Kapuso actors Kim Rodriguez at Kristoffer Martin sa GMA Telebabad show na Paraiso Ko’y Ikaw. Halos dalawang linggo ring naghintay ang mga manonood sa mga bida ng show.


Sa istorya ng Paraiso Ko’y Ikaw, magkababata at sabay na lumaki sina Josephine (Kim) at Tupe (Kristoffer) sa isang isla. Dahil silang dalawa lamang ang magkasama mula pa noong mga bata sila hanggang sa pagtanda, hindi nila naalis ang maging malapit sa isa’t isa.

Nang lumaki na ang mga batang Josephine at Tupe, nakadama na ng kakaibang pagtingin ang dalawa. Unang napansin ito ni Tupe nang maramdaman niyang higit na sa pagiging magkaibigan ang turing niya kay Josephine. Nagtataka na nga rin si Josephine sa ikinikilos ng kababata dahil tila nagiging seryoso na ito tuwing magkasama sila.

Hindi naman magtatagal at magkakagustuhan din ang dalawa. Ito talaga ang inaasahan ni Artemio (Joey Marquez), ang taong kumupkop at nagpalaki sa kanila sa isla.

Dahil dito, itinanong ng GMANetwork.com sa dalawang bida na gumaganap sa characters nina Josephine at Tupe kung handa na ba sila kung sakaling kailanganin na magkaroon sila ng kissing scenes.

Ayon kay Kristoffer, handa na naman daw siya sa kissing scenes kasama si Kim. Pero ayon sa aktor, ine-expect niya raw na wholesome naman ang intimate scenes na gagawin nila.

Kuwento naman ni Kim, umpisa pa lamang ay ipinaliwanag na sa kanila ni Kristoffer ang konsepto ng show. “Hindi maiiwasan 'yung kissing scenes kasi bago po mag-start ang story conference ay ipinaliwanag na po sa 'min 'yan ng mga boss. ‘Yung mga ganyan po ay napaghandaan na po namin,” aniya.

Dagdag pa ni Kim, komportable daw siya kay Kristoffer dahil hindi ito ang unang beses nilang nagkatrabaho. Sa katunayan, sila rin ang magkatambal sa huling soap ni Kim na Kakambal ni Eliana.

Patuloy na subaybayan sina Kim Rodriguez at Kristoffer Martin bilang Josephine at Tupe sa Paraiso Ko’y Ikaw, weekdays after Tale of Arang on GMA Telebabad. – Text by Al Kendrick Noguera, Photo by Bochic Estrada, GMANetwork.com