TV

Kristoffer Martin at Kim Rodriguez, pressured sa 'Paraiso Ko’y Ikaw'


Sa gumagandang kuwento ng Paraiso Ko’y Ikaw, gumaganda rin ang feedback ng mga manonood sa pagganap ng mga bida sa story na sina Kristoffer Martin at Kim Rodriguez. Naging bukas naman sila sa mga tao tungkol sa mga ginawa nilang paghahanda para rito.

Sina Kristoffer at Kim ay nagpaganda ng katawan sa pamamagitan ng pag-enroll sa gym, swimming, at jogging. Inamin ng dalawa na na-pressure sila sa Paraiso Ko’y Ikaw dahil kailangan maganda ang kanilang pangangatawan on-screen. Makikita sa bawat episodes ang mas daring nilang pananamit kung saan si Kim ay parating nakasuot ng puting damit habang si Kristoffer naman ay kinakailangang laging naka-topless.

Bukod sa sa pagpapaganda ng kanilang katawan, inamin din nila Kristoffer at Kim na may nararamdaman silang kaba sa kalaban nilang show sa kabilang istasyon.

Kuwento ni Kristoffer, “hindi pa nagtatapos 'yung katapat namin at sabi malakas pa rin daw. So kami siguro ni Kim, gagawin na lang namin 'yung trabaho namin. 'Yun nalang siguro 'yung makakapagpagaan ng loob namin. Kapag nagawa naming maganda ang show.”

Dagdag pa ni Kim, “lahat naman po ng ginagawa namin, ibinibigay namin yung best namin.”

Dahil sa magandang reviews ng mga manonood, masasabing nagbubunga na ang pinagpapaguran nila Kim at Kristoffer. Ngunit patuloy pa rin umano nilang pasasayahin ang mga fans sa kuwento nina Josephine at Tupe. Nape-pressure man sila, masaya umano sila dahil marami silang natututunan sa kanilang direktor. “Isa sa mga pinakamagaling na direktor si Binibining Joyce Bernal,” pagtatapos ni Kim.

Abangan sina Kristoffer Martin at Kim Rodriguez sa Paraiso Ko’y Ikaw, Monday to Friday bago mag-24 Oras. Para sa mga updates tungkol sa inyong mga paboritong Kapuso artists, mag log-on sa www.gmanetwork.com.

-Text by Maine Aquino, Photo by Bochic Estrada, GMANetwork.com