TV

Joey Marquez, puro drama at iyak sa 'Paraiso Ko'y Ikaw'


Matagal din nating hindi napanood sa Kapuso Network ang veteran actor na si Joey Marquez.

Ang kanyang huling show sa GMA ay ang sitcom na Kaya ng Powers na ipinalabas noong 2010. Pero makalipas ang apat na taon, nagbabalik siyang muli bilang Kapuso sa Telebabad soap na Paraiso Ko’y Ikaw.

Maraming shows ang nilabasan ni Joey sa Kapuso Network. Ilan dito ay ang Adik Sa ‘Yo, Who’s Your Daddy Now, Lagot Ka Isusumbong Kita at Kool Ka Lang. Lahat ng show na ‘yan ay comedy ang genre dahil doon talaga kilala si Joey.

Pero bukod sa comedy ay naging host din si Joey ng S-Files, ang dating talk show ng GMA. Nag-host din siya ng isang reality show na Kung Ako Ikaw at naging co-host niya si Kempee De Leon. May halong comedy rin ang show na ito.

At dahil comedy nga ang forte ni Joey, naging challenge daw sa kanya ang pag-portray niya ng kanyang role sa Paraiso Ko’y Ikaw bilang Artemio. Ang character niyang ito ay isang taga-isla na nagpalaki kina Josephine (Kim Rodriguez) at Tupe (Kristoffer Martin).

“Sobrang layo. Kumbaga, Mindanao to Babuyan Island 'to, ganoon kalayo,” kumpara ni Joey sa huling character na ginampanan niya rito sa GMA kay Artemio.

Dagdag niya, “Wala akong ginawa rito kundi drama at saka umiyak. Which I think something that I learned para i-polish 'yung craft ko.”

Ayon kay Joey, special participation lang ang ginawa niya sa show na ito kaya’t sa mga unang linggo lamang siya nakita. Namatay na kasi ang character niyang si Artemio.

Pero kahit maikli lang ang appearance ni Joey ay masayang-masaya pa rin siya dahil nakapagtrabaho na siyang muli sa Kapuso Network. “It's nice to be around with somebody na you've known for so many years, na you grew up with,” aniya.

Marami rin daw siyang na-miss sa GMA. “Lahat na-miss ko rito. Dito kasi para kaming naglalaro lang eh. Pati mga kasamahan namin sa techinical, sa camera. Ang mga nakaka-miss dito kasi is more on sa mga nasa likod ng camera. Sila 'yung nagmo-motivate sa 'min kung ano 'yung ipapakita namin sa camera,” anang aktor.

Ano naman ang masasabi ni Joey kina Kim at Kristoffer?

“Magagaling sila. Honestly, ngayon ko lang sila nakita. Pero narinig ko na 'yung mga pangalan nila dati pero ngayon ko lang nakita nang personal,” saad niya.

Abangan ang next project ni Joey Marquez dito sa GMA. Meanwhile, patuloy na subaybayan ang Paraiso Ko’y Ikaw, weekdays after Tale of Arang on GMA Telebabad.
 – Text by Al Kendrick Noguera, Photo by Bochic Estrada, GMANetwork.com