TV

EXCLUSIVE: Ano ang masasabi ni Jessa Zaragoza sa rival program ng 'Pepito Manaloto'?

By AEDRIANNE ACAR

Isa sa nagbibigay kulay sa Pepito Manaloto tuwing Sabado ng gabi ang karakter ng magaling na singer na si Jessa Zaragoza na si Deedee Kho.

Laugh-out-loud ang eksena ng pamilya ni Deedee kasama ang nanay niya na si Mimi (Nova Villa) at ang emotionless nilang kasambahay na si Berta (Jen Rosendahl).

Sa exclusive interview ng GMANetwork.com sa Phenomenal Diva, nagkuwento ito kung paano ang naging samahan ng cast ng show na halos pamilya na ang turingan.

Kuwento nito, “Ang nakakatuwa sa relationship ng bawat isa sa Pepito Manaloto walang negative, pamilya talaga. Nagtutulungan bawat isa, walang parang diva or mga negative na personality, lahat nagmamahalan.”

Walong taon na namamayagpag ang Pepito Manaloto sa telebisyon at marami nang itinapat na programa ang kabilang network sa multi-awarded sitcom.

Kaya diretsahan namin inusisa si Jessa kung naapektuhan pa ba ang cast ng kalaban nilang program? 

“No not at all. Kasi healthy competition naman 'yan eh. Mas maganda mayroon kang kakumpetisyon talaga. Basta secure, secure kami sa position namin.”

Dagdag niya, “Kasi mas importante sa amin talaga ‘yung maganda ‘yung produkto na napapaligaya namin  ‘yung mga tao sa palabas namin.”

Binigyan diin ng OPM singer na naging susi sa success ng Pepito Manaloto ang creative director nila na si Michael V.

Role model na maituturing ang Kapuso comedy genius, dahil na rin sa nabuo niyang working relationship sa buong staff ng sitcom.

“I think ang isa sa mga pinakamalaking factor ‘yung script, siyempre ‘yung script ‘yung tutok sa bawat characters. Malaking bagay talaga na si Bitoy is the Creative [Director] kasi he’s also an artist, so ‘yung work ethics niya nakukuha namin yun eh.”

“At saka ‘yung working relationship niya sa mga script writers, so I think kapag nagtulungan ‘yung bawat team nakakabuo ng mas magandang produkto.”