TV

'Pepito Manaloto' cast share secret to reaching 10 years in television

By Cara Emmeline Garcia

Noong March 28, ipinagdiwang ng buong cast at crew ng Pepito Manaloto: Ang Tunay na Kuwento ang kanilang ika-10 taon sa telebisyon.

Matatandaan na napanood ang Book 1 nito noong March 2010 at nakilala ng karamihan ang isang mahirap na si Pepito (Michael V.) na naging winner ng PhP 700 million jackpot prize sa lotto.

Kaya naman lahat ng tao ang nagtataka kung ano ang sikreto ng staff at cast para tumagal ang award-winning sitcom.

Ayon kina Arthur Solinap, Mosang, at John Feir sa GMA Entertainment Viber Community, teamwork ang sikreto ng kanilang patuloy na tagumpay.

Ani Arthur, “Ang secret is 'yung samahan namin. Sobrang nagdya-jive kaming lahat at hindi kami madamot sa talent at kaalaman.

“Of course, kahit seryoso kami sa aming trabaho, nag-e-enjoy kami in between takes. Alam mo 'yung parang naglalaro? We learn to enjoy so walang stress kaya masaya lang everytime.”

Dagdag naman ni Mosang, “Teamwork, discipline, at love kaya naka isang dekada na kami [sa telebsiyon] at siyempre dahil sa tutok niyong panunood mga Kapuso. Super inspired kami dahil po patuloy ang inyong suporta kahit nag lockdown.”

Sambit ni John Feir sa fans, “Tumagal ang Pepito Manaloto dahil lahat ng artista, ng staff, at ng crew ay nagkakaisa. Lahat kami nagtutulong-tulong para maging solid kami sa set.

“Salamat din po sa inyo mga Kapuso. Hindi kami tatagal ng isang dekada kung wala kayong mga nanonood at sumusubaybay sa Pepito Manaloto.”

Huwag kalimutan samahan sina Pepito, Elsa, Chito, Clarissa, at ang kanilang mga kaibigan at kapitbahay tuwing Sabado ng gabi sa Pepito Manaloto: Ang Tunay na Kuwento, pagkatapos ng 24 Oras Weekend.