TV

Sef Cadayona, tinuturing na memorable ang scenes niya with Archie Alemania na gumaganap bilang Mang Benny

By Aedrianne Acar

Ramdam ang saya ng award-winning comedian na si Sef Cadayona nang tanungin namin ito sa ilan sa memorable scenes niya sa prequel ng Pepito Manaloto: Ang Unang Kuwento.

Sa pagtatapos ng current season ng flagship Kapuso sitcom, naikuwento niya ang ilan sa mga ginawa niyang eksena with his co-stars at isa dito ang moments nina Pitoy at Mang Benny na ginagampanan ni Archie Alemania.

Kuwento ni Sef sa GMANetwork.com, “Actually, una sa lahat 'yung bonding ni Pepito kay Tatay Benny (Archie Alemania) sa dad niya, kasi iba si Pepito towards his friends, iba rin siya sa bahay at doon natin makikita paunti-unti 'yung mga kalokohan ni Pepito na kung manonood ka ngayon ng Pepito Manaloto kay Kuya Bitoy (Michael V.)- nakikita natin 'yung mga ganung galawan kay Chito (Jake Vargas) sa anak ni Kuya Bitoy na si Jake Vargas ang nagpo-portray.”

“So, kung ano 'yung mga ginagawang nakaka-init ng ulo kay Pepito nung anak niyang 'yun, kasi ganun siya nung bata. Kaya ang saya po nun.”

Umamin din ang multi-talented Kapuso actor na may kurot sa puso nang i-shoot nila ng kanyang ka-tandem na si Kokoy de Santos ang mga huling eksena nila bilang si Pepito at Patrick.

Dagdag niya na napakaganda raw ng location ng tambayan ng dalawa na ilang beses na ipinakita sa Pepito Manaloto.

Aniya, “Pangalawa, siyempre 'yung scene namin lagi sa tambayan ni Patrick. Ang ganda po nung location na 'yun, kasi 'yun isang malaking puno. Napakalaking puno doon, especially pag hapon ang sarap nung hangin, ang ganda nung sikat ng araw kasi palubog na.”

Pagpapatuloy ng Sparkle talent, “Tapos doon lagi nag-uusap bilang talagang todo bestfriend si Patrick (Kokoy de Santos) and Pepito. Doon niyo makikita 'yung bonding nila kung paano sila mag-asaran, kung paano sila magbigay payo sa isa't isa doon sa tambayan na 'yun.

“Kaya 'yung mga last scenes na ginawa namin ni Patrick, hindi namin mapigilan maging medyo emosyonal.”

Tunghayan ang mga mangyayari pa this Saturday night (March 26) sa number one sitcom ng Pilipinas ang Pepito Manaloto, pagkatapos ng 24 Oras Weekend.