TV

'Pepito Manaloto, Ang Tunay na Kuwento' recap: Kamag-anak woes


Sinagot ni Pepito Manaloto nitong Linggo ang isang makatotohanang isyu: “Bakit minsan parang natatakot tayong makita ang mga kamag-anak natin?”

Dumayo kasi mula sa probinsya ang mga kamag-anak ni Elsa para sa isang reunion sa bahay nila Pitoy.

Sa una ay accommodating si Pitoy at tinanong pa niya si Elsa kung kailangang magpa-cater o i-rent ang clubhouse ng village. Sinabi ni Elsa na hindi na kailangan dahil konti lang naman ang darating nilang mga bisita.

Subalit pagdating ng mga kamag-anak ni Elsa ay nagulat ang mag-asawang Manaloto dahil dala ng mga ito ang kanilang mga kapatid, asawa at anak. Gayumpaman, sinubukan pa rin nilang iparamdam sa mga ito na welcome sila.

Subalit umikli nang umikli ang pasensya nina Pepito at Elsa nang inubos ng mag-anak ang mga pagkain, pinag-agawan ng magpipinsan ang iPad, ininom ang imported na alak ni Pepito, nakabasag sila ng mga pinggan at panay ang utos sa kanila at sa mga katulong.

Si Mary Grace na pamangkin ni Elsa ay nag-alok na samahan si Chito na bumili ng yelo pero nagulat si Chito nang napabili ng alak ang kanyang pinsan. Nang nakainom na si Mary Grace, ikinuwento niya kay Chito ang pagkadismaya sa pamilya. Masama ang loob ni Mary Grace dahil palagi na lang nag-aaway ang mag-anak at hindi magkasundo ang mga magulang niya.

Kinabukasan, hindi na nakayanan ni Elsa ang ugali ng kanyang mga kamag-anak kaya’t pinagsabihan na niya ang mga ito.Sinabi niya na sila-sila na nga lang ang magtutulungan pero nagkakagulo pa sila. Dahil dito, na-realize nila ang kanilang pagkakamali kaya’t humingi sila ng tawad sa isa’t isa.

Sa ending ng show, sinabi ni Pitoy kung bakit ayaw nating makita minsan ang ating mga kamag-anak: “Siguro dahil nakikita natin ‘yung sarili natin sa kanila. Tapos ‘pag nakita natin ‘yung ugali nila na di maganda, nahihiya tayong aminin na ganoon din tayo.”

Pero ayon kay Pepito, dapat bigyang-halaga ang mga kamag-anak. “Ako, naniniwala na ‘yung pera,  ‘yung mga materyal na bagay ay malaking tulong para maging maginhawa ang buhay eh. Pero kung wala kang mga kamag-anak o mga kaibigan na pinaglalaanan mo nun, parang ang lungkot. Siguro kahit anong materyal na bagay, nawawalan ng saysay kung nag-iisa ka lang sa buhay.”

Abangan ang susunod na kwento tungkol sa  pamilya at pagkakaibigan sa ­Pepito Manaloto: Ang Tunay na Kuwento every Sunday pagkatapos ng Kap’s Amazing Stories.

- Text by Meryl Ligunas, GMANetwork.com