TV

Arthur Solinap on acting: 'Kung ano ang weakness ko, doon ko ipu-push ang sarili ko'


Nag-umpisa sa showbiz ang Kapuso actor na si Arthur Solinap bilang miyembro ng dance group na Abztract Dancers. Kasama rin sa grupong ito ang kanyang pinsan na si Kapuso Primetime King Dingdong Dantes.

Naging bahagi ng maraming GMA shows si Arthur, kabilang na ang Encantadia, Atlantika, Ilumina at I Heart You, Pare. Sumali rin sila ng isa pa niyang pinsan sa showbiz na si Carlo Gonzalez sa Survivor Philippines: Celebrity Doubles Showdown noong 2011.

Ngayon ay napapanood siya sa comedy series na Pepito Manaloto: Ang Tunay na Kuwento bilang si Robert, ang family driver ng mga Manaloto.

Malayo raw ang personality ni Robert kay Arthur, pero may natututuhan naman siya sa kanyang character kahit tatanga-tanga raw ito. "Tahimik siya, tapos medyo slow. Ako naman makulit sa totoong buhay, hindi matigil sa pagsasalita. 'Yung punchlines nga lang niya, minsan nadadala ko sa labas."

Never daw naisip ni Arthur na mapupunta siya sa isang comedy show dahil madalas ay kontrabida roles ang ginagampanan niya sa mga teleserye. He admits na mahirap magpatawa sa tao, pero once comfortable ka na sa eksena mo ay nagiging madali na rin ang pagiging komedyante.

"Minsan lumalabas na lang ang ad-libs. Sinasabi nila na ganito 'yung script pero hindi na nila sinasabi kung paano sasabihin. Actually nakabihis na 'yung script sa character, kung kaya bang sabihin ni Robert 'to. Minsan kung mukhang hindi 'yun kayang sabihin ni Robert, iniba namin."

Masaya rin naman daw siya that he gets to try different genres of acting. After playing Robert for quite some time, gusto naman niyang bumalik sa drama.

"Last year nag-workshop ako. Gusto ko kasi ulit mag-drama. Weakness ko rin ang pag-iyak. Kung ano ang weakness ko, doon ko ipu-push ang sarili ko."

Isa sa malaking misteryo sa Pepito Manaloto ay ang tunay na kasarian ni Robert. Handa ba si Arthur sakaling hindi nga straight ang kanyang character?

"Basta nag-e-enjoy ako (laughs)!" patawang sagot niya.

Catch Arthur Solinap as Robert sa Pepito Manaloto: Ang Tunay na Kuwento, Sunday nights after Kap's Amazing Stories.

 -- Text by Michelle Caligan, Photo by Meryl Ligunas, GMANetwork.com