TV

Kumusta ang experience ni Michael V. sa pagdi-direk ng 'Pepito Manaloto?'

By Aedrianne Acar

Mapapanood na ang pagbabalik ng mga original characters ng high-rating at well-loved Kapuso sitcom na Pepito Manaloto.

With their grand premiere happening tonight, malalaman natin ang patutunguhan na adventures ng pamilya ni Pepito played by Michael V. at ni Elsa na ginagampanan naman ni Manilyn Reynes.

Bukod sa bagong chapter na ito ng Pepito Manaloto: Tuloy Ang Kuwento, may big role rin si Bitoy sa sitcom, dahil siya ang napiling humalili sa yumaong Kapuso director na si Bert de Leon na pumanaw noong Nobyembre 2021.

Kumusta naman kaya ang experience ni Direk Michael sa pagdi-direk ng award-winning comedy show?

Kuwento niya sa panayam ni Lhar Santiago, “Sa totoo lang Lhar mahirap talaga, parang hindi ka makahanap ng time magpahinga.

“Before as talent, parang ang dami naming kuwentuhan ng mga boys, kasi magkakasama kami sa kuwarto. Pagkatapos during break time, siyempre kasama mo 'yung ibang cast ang sarap din ng kuwentuhan n'yo. Pero ngayon, kailangan mo intindihin 'yung susunod na shot n'yo, 'yung susunod na sequence, 'yung mga problemang mae-encounter ninyo.”

Pagpapatuloy ng multi-awarded comedian, “Hindi namin matanggap na wala na si Direk Bert at hahanap tayo ng ibang direktor na magfi-fill dun sa role niya. So instead of finding a director, minabuti ko na lang, since kami naman ni Direk Bert 'yung magkasama, since 'yung conceptualization ng show.

“Alam ko naman 'yung patutunguhan nung storya, alam ko naman 'yung direksyon na dadaanan nung characters at tsaka nung show. Parang ako na lang 'yung naging designated director.”

Marami rin ang tumutulong sa kaniya na pagaanin ang trabaho niya sa Pepito Manaloto.

Saad ni Bitoy, “Kasi hindi lang naman ako nagdi-direk nandiyan diyan 'yung mga minentor niya before si Direk Armin [Collado], si Mark David. Andiyan sila to support me.”

Samantala, mas lalo namang exciting ang takbo ng istorya sa Pepito Manaloto: Tuloy Ang Kuwento.

“Umatras ng konti 'yung simula nung kuwento, sa Tuloy Ang Kuwento. Doon malalaman ng audience kung bakit natuloy 'yung kuwento ng mga Manalotos at tsaka kung papaano itinuloy,” sabi ni Michael V. sa report ng 24 Oras.

Kaya stay at home mamayang gabi at manood ng pilot episode ng Pepito Manaloto: Tuloy Ang Kuwento, pagkatapos ng 24 Oras Weekend.