TV

Karakter ni Sofia Pablo sa ''Prima Donnas Season 2,' dapat abangan ng mga manonoood

By Aaron Brennt Eusebio

Matapos ang ilang buwan, muling nagsama-sama ang mga bida ng top-rated afternoon show ng GMA na Prima Donnas para sa story conference ng ikalawa nilang season.

Bukod kina Jillian Ward, Althea Ablan, at Elijah Alejo na muling gagampanan ang mga karakter nina Donna Marie, Donna Belle, at Brianna, magbabalik na rin si Sofia Pablo sa kanyang role bilang si Donna Lyn.

Sa istorya ng unang season ng Prima Donnas, pumunta si Donna Lyn sa Australia dahil sa isang student exchange program.

Ngayong magbabalik na siya sa Pilipinas, aminado si Sofia na na-e-excite siya kung ano ang magiging kuwento ni Donna Lyn.

Saad niya sa panayam ni Lhar Santiago sa 24 Oras, "Ipapangako ko sa inyo, nandito na ako ulit para pangitiin kayo, or kahit paiyakin kayo."

"And lalo na, my character is very different kung ano ako nung Book 1, talagang mas naging matapang."

Sa ngayon naman si Elijah na mas marami ang revelations na mangyayari sa season 2 ng Prima Donnas, lalo na't may mga bagong karakter na papasok.

Kuwento niya, "Marami pong revelations dito, kumbaga po, lahat po mas may hugot pa, mas may pinanggagalingan pa 'yung mga characters."

Bukod sa magiging istorya ng Prima Donnas Season 2, mas na-e-excite si Jillian sa muli nilang pagsasama-sama sa set.

"Mas naging family po kami, and nakita ko rin po na mas nagkaroon pa po ng effort kami ng mga katrabaho ko," saad ni Jillian.

Tikom naman ang bibig ni Althea kung anu-ano ang mangyayari sa season 2 ng kanilang teleserye.

Aniya, "Hindi muna kami magkukwento kung ano 'yung mga mangyayari pero abangan n'yo 'yan."

Magbabalik rin sa ikalawang season ng Prima Donnas sina Katrina Halili, Wendell Ramos, Aiko Melendez, James Blanco, at Ms. Chanda Romero.

Samantala, makakasama rin sa Prima Donnas Season 2 sina Sheryl Cruz, Allen Ansay, at Bruce Roeland.

Abangan ang season 2 ng Prima Donnas sa GMA Afternoon Prime.

Bago ito, panoorin muna ang full catch-up episodes ng Prima Donnas Sesaon 1 sa GMANetwork.com o sa GMA Network App.