TV

Aljur Abrenica, itinuturing na gift from God si Kris Bernal


Marami ang kinikilig ngayon dahil sa muling pagtatambal ng Royal Couple of Drama na sina Aljur Abrenica at Kris Bernal sa Prinsesa ng Buhay Ko. Eleventh collaboration na nila ito. Paano kaya nag-grow ang kanilang pagsasama bilang magkaloveteam through the years?

Paano ba tatakbo ang istorya ng Prinsesa ng Buhay Ko at anong klaseng AlKris ang makikita dito?

“Ang kuwento kasi, hindi maganda ang pasok naming dalawa, eh. Childhood friends kami pero after 10 years, nag-away kami agad. Hindi kami nagkasundo agad,” saad ni Aljur.

Gumaganap si Aljur bilang Nick, mayamang anak sa labas ng isang real estate magnate. Kuya niya dito si Luis, na ginagampanan ni Renz Fernandez. Ginagampanan naman ni Kris ang role ni Princess, isang dalagang mahirap ngunit hard-working dahil gustong may marating sa buhay. Childhood friends sila sa ampunan at muli silang magkikita.

Kuwento ni Aljur, “Ang nakakatawa pa, nalaman ng character ko na siya (si Princess) pala ‘yun [best friend ko sa ampunan] . Gusto kong sabihin sa kanya, pero nakita ko na nagkakamabutihan na sila ng Kuya ko, so anong gagawin ko? Hanggang hint lang ako na ako ‘yung kababata niya, and nagseselos na ako sa kapatid ko.”

Guwapo at talented din ang kapatid ni Aljur in real life na si Vin. Paano kung like Nick and Luis, parehong babae din ang matipuhan nila?

Ayon kay Aljur, “Actually, hindi pa nangyayari sa akin ‘yun, thankfully. Pero alam mo kasi, pakikiramdaman niyo iyan eh kung sino man ‘yung mag gigive way, kung sino man ang mas matimbang na nararamdaman or hangarin sa babae.”

Hindi maikakaila na ang mga katulad ni Kris Bernal ang type na madaling mahalin, or maybe even pag-agawan ng guys dahil siya ay maganda, talented at napakabait. Sumasang-ayon si Aljur dito. Ano kaya ang masasabi niya tungkol sa leading lady niya?

“Si Kris kasi, kinoconsider ko siya as a gift from God, lalo na ‘yung friendship namin. Bawat isa naman sa atin, may mission at dahilan kung bakit tayo nandito. Siguro may dahilan kung bakit ibinigay sa amin ‘yun ng Panginoon kasi ang tagal na naming magkaibigan at kahit anong away namin, nagkakasundo pa rin kami. Nagcliclick kami,” wika niya.

“Nagstart ‘yan simula noong nag StarStruck kami. Grabe ang away namin noon. Nandun ‘yung selos, sa eksena nag-aaway pa kami kasi masyadong malakas ‘yung sampal niya sa akin. Ganun din siya, nasasaktan ko daw siya sa eksena. Tapos may binigay ako sa kanya, pinunit niya,” kuwento ni Aljur.

Dagdag niya, “Pero sa hirap at ginhawa, lumipas man ‘yung panahon, ang ipinagpapasalamat ko ay kahit anumang pinagdaanan namin, nagkakasundo pa rin kami. Soulmate!”

Kasalukuyang napapanood si Aljur Abrenica sa Prinsesa ng Buhay Ko, bago ang 24 Oras sa GMA Telebabad. Abangan rin siya every week sa Sunday All Stars. -Text by Samantha Portillo, Photo by Bochic Estrada, GMANetwork.com