TV

“Masaya ako sa mga nangyayari sa akin” – LJ Reyes


Ibang klaseng LJ Reyes ang nakausap ng Startalk TX noong December 7. Bukod sa blooming siya, all smiles pa at tila kuntentong-kuntento sa kanyang buhay.

Ano ba ang mga nagpapangiti kay LJ lately?

Pagbabahagi niya, “’Yung show namin na Prinsesa ng Buhay Ko, hanggang January pa siya. ‘Yung indie na natapos kong gawin nitong November lang, sa January na siya ipapalabas.”

Nakagaan din daw sa kanyang loob na naiintindihan na ng kanyang anak na si Aki ang sitwasyon nila ng ama nito na si Paulo Avelino.

Ani LJ, “Sinabi ko sa kanya noong bago pa lang. Sinabi ko na agad and ang weird nga na noong sinabi ko sa kanya, hinug niya lang ako basta after. Ang weird na parang naintindihan niya.”

Dagdag niya, “May times na noong umpisa, hinahanap ni Aki, tapos sinasabi ko sa kanya na hindi na rito nakatira si Daddy mo. Eventually, parang na-gets na niya ‘yung set-up.”

Wala naman daw siyang masasabi sa pagiging ama ni Paulo kay Aki dahil nagagampanan niya ito nang maayos.

Kuwento ni LJ, “Sinusundo naman siya ni Pau ‘pag may free time siya. Lumalabas sila. Minsan, nandoon sila sa condo ni Pau or ‘pag talagang short siya sa time, dadalawin naman niya sa bahay kahit sandali. Hindi naman siya nagkukulang.”

“Hindi naman porke’t hindi kami magkasama [ni Paulo], dapat lumaki si Aki nang walang tatay. Gusto ko, kahit na hindi kami magkasama, i-guide pa rin siya ni Pau as Aki’s father,” saad niya.

Hindi ba siya affected ngayong inamin na ni Paulo Avelino ang tungkol sa dating status nila ni KC Concepcion?

“Okay naman sa akin. Basta kung happy sila, okay na ako doon. Basta okay siya kay Aki, kahit sinong babae na pumasok sa buhay niya basta huwag papabayaan si Aki. Basta kailangan mahalin si Aki,” sagot ni LJ.

Ayon kay LJ, hindi pa raw sila magkakilala ni KC. Willing ba siyang makaharap ito nang personal?

“Oo naman. Baka sabihin ko pa, puwedeng pa-picture sa mommy mo? Sa kanya rin, pero unahin ko muna ‘yung mommy niya kasi mas mahirap hagilapin ‘yun. Joke lang. (laughs)”

Dahil halatang maaliwalas ang aura ni LJ ngayon, palatandaan ba iyon na handa siyang  umibig muli?

Sagot ni LJ, “Masaya ako sa mga nangyayari sa akin. Maraming bagay na dapat ipagpasalamat sa Diyos. Kung dumating ko at makita ko na rightful at deserve naman ito ng taong ito na mabigyan siya ng chance, why not?”

Kasalukuyang napapanood si LJ Reyes sa GMA Telebabad series na Prinsesa ng Buhay Ko at Sunday All Stars. Para makatanggap ng updates tungkol sa inyong paboritong Kapuso stars and shows, mag-log on lamang sa www.gmanetwork.com.

-Text by Samantha Portillo, Photo by Bochic Estrada, GMANetwork.com