
Paparating na ngayong linggo sa Pulang Araw ang pinakamabagsik na kalaban na si Col. Yuta Saitoh, na gagampanan ni Kapuso Drama King Dennis Trillo.
Si Col. Yuta Saitoh ay isang malupit na pinuno ng Japanese Imperial Army na may layong sakupin ang Pilipinas noong 1940s.
Ang karakter na ito sa Pulang Araw ang kauna-unahang major kontrabida role ni Dennis Trillo na, aniya ay, Japanese descent pa. Isa si Col. Yuta Saitoh sa magpapahirap sa mga buhay ng magkababatang sina Adelina (Barbie Forteza), Teresita (Sanya Lopez), Hiroshi (David Licauco), at Eduardo (Alden Richards).
"Matagal ko na 'tong hinihintay. Matagal ko nang hinintay ang ganitong klaseng project, ganitong kabigat na character. Ngayon naman as a kontrabida. May kaunting pressure pero mas nandoon ako sa importansya sa pagkakaroon ko ng challenge bilang artist, bilang artista," kuwento ni Dennis sa interview ng 24 Oras.
Ayon sa Kapuso actor, mayroong translator at historian na gumagabay sa kanya sa set para mas maging angkop ang pagsasalita niya ng Nihongo.
"Mahirap gumanap ng isang character na iba ang lahi, na iba ang pananalita niya," ani Dennis sa kanyang karakter na si Col. Yuta Saitoh.
Pagpapatuloy niya, "Nag-aral siya sa Pilipinas pero syempre nagsasalita siya ng tatlong lenggwahe, may Hapon, Tagalog, at English. So, 'yung mga accent niya syempre iisipin mo hindi naman siya pwedeng straight mag-Tagalog, hindi naman siya pwedeng straight mag-English."
Abangan si Dennis sa hit series na Pulang Araw, Lunes hanggang Biyernes 8:00 p.m. sa GMA.