
Inamin ng Japanese language coach ng Pulang Araw na si Ryo Nagatsuka na nagiging emosyonal siya sa tuwing binabasa ang script ng comfort women scenes sa serye.
Paglalahad ni Ryo sa panayam sa kaniya ni Nelson Canlas para sa 24 Oras, hindi nababanggit ang kuwento ng mga comfort women sa Japanese school textbooks kung kaya't mabigat sa kaniyang kalooban na mabasa ang sinapit ng ilang mga kababaihan noon.
Sa Pulang Araw, mapapanood sina Sanya Lopez, Rochelle Pangilinan, at Ashley Ortega na bibigyang buhay ang kuwento ng mga comfort women na inabuso noong panahon ng pananakop ng mga Hapones sa Pilipinas.
Sa inilabas na teasers ng serye, ipinasilip ang ilang eksena kung saan inaabuso ng mga sundalong Hapones ang mga karakter nina Rochelle at Ashley.
Kuwento ng Filipino-Japanese na si Ryo, “When I read that scene, parang medyo natakot ako in a way na, 'Tama ba tinatranslate ko 'to?' Ganun. But you know when I'm learning it, we should know the past talaga.
“Nandu'n po ako sa set e, of course tinitingnan ko kung tama po 'yung Japanese ng mga sundalo. Ayoko tingnan, sobrang bigat para sa 'kin.”
Bukod sa pagiging Japanese language coach, may ibang papel din si Ryo sa Pulang Araw. Isa siya sa mga gumaganap na Japanese immigrant sa Pilipinas na tutulong kay Eduardo (Alden Richards) nang bugbugin ito ng mga Pilipino dahil sa pag-uutos ni Carmela (Angelu De Leon).
Samantala, si Ryo ay miyembro rin ng music trio na SkyGarden. Ayon kay Ryo, pangarap niya noon pa ang maging singer at maging isang aktor.
Iikot ang kuwento ng Pulang Araw sa magkakababata na sina Adelina (Barbie Forteza), Teresita (Sanya Lopez), Hiroshi (David Licauco), at Eduardo (Alden Richards) na namuhay noong 1940s sa kasagsagan ng pamamalakad ng Amerika sa Pilipinas at sa pagdating ng mga mananakop na mga Hapones kabilang si Col. Yuta Saitoh (Dennis Trillo).
Sa pagsiklab ng World War II, magiging mitsa rin ito ng iba't ibang mga problema sa buhay ng apat na magkakababata.
Subaybayan ang Pulang Araw sa free TV, Lunes hanggang Biyernes, 8:00 p.m. pagkatapos ng 24 Oras sa GMA Prime.
RELATED GALLERY: 'Pulang Araw' cast, ipinakilala sa isang enggrandeng media conference