
Marami ang napahanga ni Kapuso actress Sanya Lopez sa kanyang pagganap sa Pulang Araw.
Isang bodabil performer na dinukot para maging comfort woman ang karakter ni Sanya na si Teresita sa serye.
Madilim na bahagi ng kasaysayan ng Pilipinas ang sinapit ng mga comfort women sa kamay ng mga mananakop na Hapones.
Kaya naman mahirap din para kay Sanya na panoorin ang mga eksena ng pang-aabuso sa mga kababaihan sa serye.
"Sabay kami nina Ate Rochelle (Pangilinan) lagi na nanonood ng Pulang Araw. Habang pinapanood namin, hindi kami makakain nang maayos. Naduduwal kami sa sarili naming napapanood," kuwento ng aktres.
"Minsan naiisip na lang namin kapag pinapanood namin siya na blessed pa rin tayo na hindi natin naranasan 'yung mga bagay na 'to sa ngayon na ito malaya tayo, nagawa natin 'yung mga bagay na gusto natin," dagdag pa niya.
Nagpapasalamat din si Sanya sa mga papuri na natatanggap nila.
Lalo rin niyang nararamdaman na may saysay ang mga ginagawa nila dahil mahalaga talagang maibahagi sa mga manonood ang kuwento ng mga babaeng naging biktima ng karahasan sa panahon ng digmaan.
"Maraming-maraming salamat po talaga dahil maganda 'yung komento nila sa sobrang sakit na eksena na namin. Mabigat siya pero after naming gawin 'to, ang nasa isip ko lang talaga ito lang 'yung kaya kong ibigay para doon sa mga comfort women natin, para maipakita natin sa ibang mga kababaihan at sa mga ibang mga Pilipino 'yung istorya ng buhay nila," paliwanag ni Sanya.
Patuloy na panoorin ang lalong lumalalim ng kuwento ng Pulang Araw, Lunes hanggang Biyernes, 8:00 p.m. sa GMA Prime.
Maaari din itong panoorin online sa Kapuso Stream.