TV

Teejay Marquez on courting girls: “Kung gusto talaga kita, hindi kita papalampasin”


Si Beto na nagligtas sa tunay na ama ni Pyra (Thea Tolentino) sa Pyra Babaeng Apoy ang ginagampanan ngayon ng Kapuso actor na si Teejay Marquez. Ayon sa actor, na-love at first sight ang kanyang karakter kay Pyra noong una silang magkita sa perya.

Nang tanungin ng GMANetwork.com ang young Kapuso actor kung may pagkakahalintulad ba sila ng kanyang karakter, sinabi niya na ang pagiging street smart at cowboy nito ang nakikita niyang pagkakapareho nila.

“Sa totoong buhay may pagka-Beto ako, ‘yong sa pag-uugali na parang street smart. Cowboy po ako,” sabi niya.

Dahil sa tindig at porma ni Teejay, aakalain na hindi siya sanay sa hirap. Marami ang nagulat at natuwa na sa totoong buhay pala ay simple lang at walang arte ang young Kapuso actor. Kaya niyang makisama sa mga tao kahit saan.

“Sabi ng mga tao minsan, ‘Akala namin ikaw ‘yong typical na tao na lakad nang lakad sa Alabang, sa The Fort.’ Hindi nila alam na mahilig ako sa bazaar. Nagdi-Divisoria pa kami,” kuwento niya.

Ano naman ang sa tingin niya’y pagkakaiba nila ni Beto?

“Medyo babaero. Hindi naman ako babaero. Kung gusto talaga kita, hindi kita papalampasin kasi once I feel it, feeling ko sayang naman ‘yong opportunity, so I will be open sa ‘yo na gusto kita.”

Ang cast ng Pyra Babaeng Apoy na sina Gladys Reyes, Roxanne Guinoo, at Elle Ramirez ay hindi na ibang tao para kay Teejay dahil nakasama na niya sila sa Home Sweet Home. Ang lead cast naman na si Thea Tolentino ay huli niyang nakasama sa Anna Karenina.

“Meron na po kaming relationship na na-build, may baon na ako na confident na magiging okay kami.”

Dahil kampante na sa bawat isa ang mga cast nito, unang pagkikita pa lang nila ay nagpakain na ang Kapuso actress na si Roxanne Guinoo na gumaganap na Barbara, ang tunay na ina ni Pyra.

“First day, nagpakain kaagad si Ms. Roxanne [Guinoo] ng pizza, mga bonding namin kainan,” kuwento niya. “Masaya po kasi parang family, mababait po sila, inaalagaan kami.”

Sa umpisa, inamin ni Teejay na hindi niya maiwasang ma-starstruck sa mga beteranong artista tulad nina Christopher Roxas, Angelu de Leon, Roxanne Guinoo at Gladys Reyes ngunit na-realize niya na dapat mas pagbutihan niya pa ang pag-arte dahil kasama niya ang magagaling na artista ng GMA. Kaya naman hindi niya inaalis ang pressure tuwing umaarte bagkus ginagawa niya itong inspirasyon.

“Hindi ka dapat mailang na veteran sila kasi kung iisipin mo baka mailang ka, di mo ma-deliver nang tama.”

Panoorin ang young Kapuso actor  na si Teejay Marquez bilang si Beto sa Pyra Babaeng Apoy pagkatapos ng Magkano ba ang Pag-ibig?, only on GMA Afternoon Prime. For more updates of your favorite Kapuso shows and stars, just keep on visiting www.gmanetwork.com. -- Text by Eunicia Mediodia, Photo by Bochic Estrada, GMANetwork.com.