TV

'That Thin Line Between' unang on-screen tambalan nina Ken Chan at Sanya Lopez

By Marah Ruiz

Matagal nang magkaibigan sina Kapuso stars Ken Chan at Sanya Lopez pero unang beses pa lang silang magkakatrabaho bilang on-screen partners sa isang episode ng weekly anthology series na Regal Studio Presents.

Bibida silang dalawa sa episode na pinamagatang "That Thin Line Between" bilang magkapitbahay na madalas magbangayan.

Gaganap si Ken bilang ang tahimik na accountant na si Julius, habang si Sanya naman ay si Gemma Rose, isang masiglang online seller.

Masaya raw si Ken na makakapareha na niya si Sanya sa wakas.

"Sino ba namang hindi kikiligin 'pag pinarehas ka kay Sanya, 'di ba? Parang lahat yata pangarap makatrabaho ang isang Sanya. ako, kahit na matagal ko nang kakilala si Sanya, talagang sobrang looking forward ako na makatrabaho siya," pahayay ng aktor.

Kahit first time nilang magkakatrabaho, confident si Ken na kaya nilang maghatid ng kilig sa mga manonood.

"Ako, aminin ko 'to--every time na sinasabing makakaparehas ko si Sanya, nandoon 'yung kilig ko. Hindi ko mapigilan kung bakit. Siguro 'yung kilig na tulad before na nangangarap kami and ngayong nangyari na. Nandoon 'yun eh," aniya.

Matatandaang halos sabay pumasok sa showbiz sina Ken at Sanya sa pamamagitan ng show ni German "Kuya Germs" Moreno na Walang Tulugan.

Para naman kay Sanya, magiging malaking tulong daw ang closeness nila ni Ken para maging effective ang kanilang tambalan.

"I think okay rin na kami ang magka-partner ngayon kasi siguro malaking bagay talaga 'yung close kami ni Ken. May mga bagay na kunwari hindi ka comfortable sabihin or hindi ka comfortable gawin, I think mas mabilis namin sasabihin sa isa't isa kung mayroon man kaming gustong sabihin. At for sure, hindi namin ija-judge 'yung isa't isa kasi kilala na namin 'yung isa't isa sa simula pa lang," paliwanag ni Sanya.

Handa naman daw sina Ken at Sanya sa mga maaring hilingin sa kanila ng episode director na si Easy Ferrer.

"Kunwari, sinabi po ni direk Easy na kailangan may 10 minutes na kissing scene, sa akin okay lang po talaga 'yun. Hindi rin po talaga ako magrereklamo sa ganoong pagkakataon. Joke lang, Sanya! Joke lang," biro ni Ken.

"Sa akin din naman, okay lang din po talaga!" natatawang sagot ni Sanya.

Bukod kina Ken at Sanya, bahagi rin ng "That Thin Line Between" ang mga bagong Kapuso stars na sina Shanelle Agustin at Sandro Muhlach.

Abangan ang 'Regal Studio Presents: That Thin Line Between,' May 15, sa mas pinaagang oras na 11:35 a.m. sa GMA.

Samantala, silipin ang ilang eksena ng episode sa gallery na ito: