TV

Sanya Lopez, nahihiyang masabihang in-demand actress: 'Ang dami ko pang kailangang patunayan.'

By Nherz Almo

Hanggang ngayon daw ay nahihiya pa rin si Sanya Lopez sa tuwing nasasabihang isa na siyang in-demand actress.

Ngayong 2021, sa kabila kasi ng pandemic, kaliwa't kanan ang naging proyekto ni Sanya. Simula sa hit GMA Telebabad series na First Yaya, napanood din ang 25-year-old actress bilang leading lady ni Bong Revilla sa weekly adventure series na Agimat ng Agila.

"Nahihiya po ako kasi kapag ganyan po ang sinasabi sa akin, hindi ko pa pini-feel talaga," sabi ni Sanya sa GMANetwork.com sa inihandang TikTok Live ng Regal Entertainment kahapon, September 11.

"Every time na may nagsasabi sa akin na ikaw ang ganyan... hindi po, e, kasi parang ang dami ko pang kailangang patunayan pa para masabing ganun. Pero thankful po ako na ang dami-daming projects na ibinibigay sa akin ng GMA. Of course, ngayon, dumagdag pa ang Regal na talaga naman simula noong umpisa ay isa sa mga unang nagtiwala sa akin.

"Kaya sabi ko nga po kulang 'yung pasasalamat lagi para maibalik sa kanila 'yun. Kailangan ko talagang galingan para maibalik ko sa kanila and thank you po talaga doon."

Kaya naman sa kanyang bagong proyekto, ang Regal Studio Presents: That Thin Line Between, pinag-aralan daw niya nang husto ang character niyang si Gemma Rose na isang online seller.

"Actually, noong binigay sa akin itong role ko, kinabahan ako kasi ang daming online seller. Parang kapag nagkamali ka, feeling ko alam nila 'yon, so kailangan mong pag-aralan. So, nanonood po ako dahil hindi ako masyadong... Dahil nag-work po ako, hindi ko masyadong alam yang mga online selling. Nanood po talaga ako ng mga live nila," kuwento ni Sanya.

Gayundin, nagpahayag ng pasasalamat ang Kapuso actress dahil sa ipinagkatiwala sa kanila ni Ken Chan ang pilot episode ng Regal Studio Presents, ang "That Thin Line Between."

"Sobrang saya po and grateful na kami Ken Chan ang pinagkatiwalaan para ilagay sa pilot episode ng 'Regal Studio Presents.' Kaya ginalingan talaga namin, ibigay namin ang best namin para dito sa 'Regal Studio Presents' kasi hindi biro na ipagkatiwala sa 'yo yung pilot episode. So, maraming-maraming salamat po talaga sa GMA at sa Regal para sa pagtitiwala ninyo sa akin, " pahayag ni Sanya.

Ang weekly anthology na Regal Studio Presents ay bagong collaboration ng GMA Network at Regal Entertainment Inc.

Tingnan ang behind-the-scenes photos ng "The Thin Line Between" sa gallery sa ibaba: