
Lubos ang enjoyment ng mga young Kapuso stars na nina Sofia Pablo, Allen Ansay, at Bruce Roeland sa taping ng mermaid fantasy special na "Raya Sirena."
Ito ang pangalawang kuwento sa anthology series na Regal Studio Presents.
Bibigyang-buhay ni Sofia ang spoiled brat na si Raya, na maisusumpang maging sirena. Si Allen naman ay si Gavin, ang anak ng caretaker sa resort nina Raya na tutulong sa kanya na itago ang kanyang kundisyon. Gaganap naman si Bruce bilang Joshua, ang social media star na boyfriend ni Raya na magpapakalat ng transformation niya bilang sirena.
First taping daw ito ni Allen simula nang nagkaroon ng pandemic.
"Noong nagte-taping tayo, sobrang kinakabahan ako noon kasi ito 'yung unang beses na nag-taping ako ngayong pandemic. Talagang hindi ko alam 'yung gagawin ko. Pero sobrang solid kasi sobrang sarap noong experience. Sobrang saya noong bonding natin 'di ba?" pahayag ni Allen sa Facebook live na ginanap noong September 15.
Dahil na-enjoy nila ang pagtratrabaho, sigurado raw si Bruce na makikita ng mga manonood ang chemistry nilang tatlo sa show.
"Parang kinakabahan ako noong papuntang taping pero noong dumating na tayo doon, parang ang sarap ng feeling, ang sarap ng vibe. Puro tayo TikTok behind the scenes. Sobrang saya and kita 'yung chemistry natin doon sa TV," kuwento ng aktor.
Tila comeback project naman para kay Sofia ang Raya Sirena dahil matagal siyang hindi nakapagtrabaho dahil sa age limit ng mga maaaring sumabak sa taping dala ng bagong protocols sa industriya kontra COVID-19.
"Super excited na rin ako na mapanood niyong lahat ito kasi sa una siyempre kinabahan kami, lalo na ako. Matagal akong nawala and after a year of not being allowed to work, babalik ako. Then, 'yung dream role ko 'yung gagawin ko with Regal kaya sobrang excited ako na mapanood niyo na 'to. We really did this na masaya din kami kaya sana ma-enjoy niyo rin na panoorin kami," lahad pa niya.
"Sigurado kami, hindi lang kayo dito matatawa kundi may makukuha din kayong lesson dito. Maganda talaga 'yung story niya," dagdag naman ni Allen.
Huwag palampasin ang pangalawang bahagi ng special primetime premiere ng Regal Studio Presents na "Raya Sirena," September 18, 8:30 p.m. sa GMA.
Samantala, silipin ang ilang eksena mula sa episode sa gallery na ito: