TV

'Regal Studio Presents,' may mga bagong kuwento ngayong March

By Marah Ruiz

Basta kilig, sagot na 'yan ng Regal Studio Presents every Sunday afternoon!

Ngayong March, may mga bagong kuwentong hatid ang much-loved weekend anthology series.

Una na riyan ang "Holdap 'To, I Love You" nina Kate Valdez at Yasser Marta.

Si Yasser ay si Lorenz, isang delivery boy na naghihintay na lang ng papeles para makasakay ng barko bilang seaman.

Hindi pa man nagsisimula ang kanyang trabaho, nangangailangan na ng malaking halaga si Lorenz para sa nanay niyang maysakit.

Dahil sa kagipitan, mapipilitan siyang mang-holdap ng isang jeep pero papalpak ito dahil masyado siyang mahuhumaling sa ganda ng pasaherong si Marian, karakter ni Kate.

Hindi malimutan ni Lorenz si Marian at laking gulat niya nang muli niya itong makita bilang bagong boarder sa tinutuluyan niyang paupahan.

Gagawin ni Lorenz ang lahat para mapalapit kay Marian kahit nagi-guilty siya sa tangkang pangho-holdap dito. Ano ang magiging reaksiyon ni Marian kung malaman niyang ang sweet at caring na si Lorenz ang taong muntik nang mang-holdap sa kanya?

Abangan 'yan sa "Holdap 'To, I Love You," na mapapanood ngayong March 12.

Isang realistic na silip naman sa buhay ng mag-asawa ang hatid nina Royce Cabrera at Thea Tolentino sa "Romy and Julie."

Gaganap si Royce bilang Romy, habang si Thea naman ay si Julie, mga bagong kasal. Tulad ng maraming newlyweds, dadaan din sila sa honeymoon phase kung saan very sweet at understanding sila sa isa't isa.

Pero sa pagtagal ng kanilang pagsamama, unti-unti na nilang matutuklasan ang flaws ng isa't isa na siyang magiging sanhi ng conflict sa pagitan ng mag-asawa.

Magagawa ba nina Romy at Julie na balikan ang mga bagay na mahalaga sa kanila o tuluyan na bang masisira ang kanilang pagsasama?

Tunghayan ang "Romy and Julie" sa March 19.

Sina Elijah Alejo, Maxine Medina at Josh Ford naman ang bibida sa episode na "Hot Momma."

Si Maxine ay si Sonya, isang former model na nag-pose pa para sa isang men's magazine. Anak niya si Lecel, karakter ni Elijah.

Tila isang ugly duckling si Lecel dahil simple lang ito kumpara sa kanyang mommy Sonya na hanggang ngayon ay pretty at sexy pa rin.

Excited naman ni Lecel sa pagbisita ng kanyang kaibigan mula sa Cebu na si Andrei, played by Josh.

Looking forward rin si Andrei sa pagbisita kay Lecel dahil gusto rin niyang ma-meet ang nanay nitong si Sonya. Balak kasi niyang ipa-autograph kay Sonya ang men's magazine kung saan ito ang cover.

Magiging strain ba sa mother-daughter relationship nina Lecel at Sonya ang admiration ni Andrei? Genuine ba ang friendship ni Andrei kay Lecel o ginamit lang ba niya ito para mapalapit kay Sonya?

Alamin 'yan sa "Hot Momma" sa March 26.

Abangan ang lahat ng new episodes na 'yan sa Regal Studio Presents, every Sunday, 4:35 p.m. sa GMA.