TV

Mark Herras, confident na may chance pa silang magkabalikan ni Jennylyn Mercado


Sa ginanap na GMANetwork.com live chat ng Rhodora X stars na sina Jennylyn Mercado at Mark Herras noong nakaraang linggo, hindi na namin sinayang ang pagkakataong hingin ang reaksyon ni Jennylyn tungkol sa balitang ikakasal na ang kanyang ex-boyfriend na si Luis Manzano.

Ayaw pang magsalita ni Jennylyn tungkol sa estado ng love life ni Luis. “Ayoko nang mag-comment about it. Ayoko nang pag-usapan,” aniya.

Kuwento ni Jennylyn, kuntento naman daw siya sa buhay niya ngayon. “Masaya naman, sa lahat naman ba naman ng mga blessing na dumarating sa 'kin ngayon eh. Kumbaga parang lahat ng pain [ay] napalitan ng happiness,” paliwanag niya.

“Opo,” ang mabilis na sagot ni Jennylyn nang tanungin siya kung naka-move on na ba siya sa break up nila ng dating nobyo. Dagdag pa niya, wala raw siyang regret dito.

Ano ang naging parte ni Mark sa pagmu-move on ni Jennylyn? “Nagkakaroon naman kami ng oras mag-usap tungkol sa mga bagay na ganyan. Lahat naman sila eh - sina Yasmien (Kurdi) at si Mark talagang nariyan.”

Dagdag pa ni Jennylyn, “Actually noong break up, nariyan silang lahat sa bahay. Parang mayroon ngang celebration eh. Pero umiiyak lang ako.”

Ayon naman kay Mark, hindi niya naman iniiwan si Jennylyn lalo na kapag kailangan niya ng taong masasandalan. Tinutulungan niya raw palagi ang ex-girlfriend sa lahat ng mga pagsubok na nangyayari sa buhay niya.

“Pero alam ko si Jen, every time na nangyayari 'yon, mas nagiging matibay siyang tao. So sa mga gumawa sa kanya noon, pagsisisihan nila na nagawa nila kay Jen 'yon,” pahayag ni Mark.

Nang sabihin ni Mark ang pahayag na ‘yan, bumanat naman si Jennylyn ng tanong na: “Ikaw ba pinagsisihan mo?” Sinagot naman ito ni Mark: “Noong nangyari ‘yon (ay) bata pa naman tayo.”

Dahil hindi nakuntento sa sagot ni Mark, muling itinanong ni Jen kung pinagsisihan ba ni Mark ang paghihiwalay nila noon. “Before, oo. Ngayon parang may chance pa naman eh,” sagot ni Mark.

Muling bumanat si Jennylyn ng “So confident ka?” Isang matapang na oo naman ang isinagot dito ni Mark. Nang marinig ito ni Jennylyn, hindi na niya alam ang itatanong niya kay Mark kaya't napatahimik na lamang siya.

Magkakaroon pa kaya ng chance na magkabalikan muli sina Mark at Jennylyn? Meanwhile, panoorin muna sila sa Rhodora X, weeknights after Carmela on GMA Telebabad.
- Text by Al Kendrick Noguera, Photo by Elisa Aquino, GMANetwork.com