TV

Rhodora, kontrolado pa rin ni Roxanne


Ako ang sinisisi ni Roxanne sa pagkamatay ni Dr. Vivian at sa pag-alis ni Joaquin sa motel room. Sana daw ay hindi ko na tinawagan si Dr. Vivian para hindi siya nahulog sa hagdan, at sana ay hindi na lang daw ako bumalik sa aking katawan pagkatapos nilang magsama ni Joaquin. Panira daw ako sa kanyang mga plano, kaya sisiguraduhin daw niyang tuluyan na akong mawawala.

Ang sama-sama talaga ni Roxanne. Ikinukuwento niya sa akin ang mga ginawa niya para lang makuha si Joaquin at mawala ang mga hadlang sa kagustuhan niyang ito. Nalaman niya mula kay Santi na umalis si Joaquin papuntang Amerika, at sinundan daw niya ito sa airport pero hindi na niya naabutan. Buti na lang at ganoon ang nangyari, dahil baka lalo pang gumulo ang isip ni Joaquin.

Pinagbawalan ako nina Mommy at Daddy na sabihin kay Ate na umalis si Joaquin, pero iba ang gusto ni Roxanne. Dinalaw daw niya si Ate sa kulungan at ibinalita dito na nasa ibang bansa na si Joaquin. Naaawa ako kay Ate sa ginagawa sa kanya ni Roxanne, pero wala akong magawa. Mahina ako, malakas si Roxanne.

Nalaman na rin nina Mommy at Daddy na namatay na si Dr. Vivian. Kasabay nito ang pagdududa ni Daddy sa akin, na may kinalaman ako sa pagkamatay nina Trisha at Dr. Vivian. Gusto ko nang isumbong si Roxanne, pero nagpupumilit siyag lumabas kaya umimbento na naman siya ng kuwento para pasinungalingan ang mga tanong ni Daddy.

Lumalakas ang kutob ni Daddy sa akin, lalo na ng mahanap niya ang aking duguang panyo. Pero madiskarte si Roxanne. Nakuha niya ang simpatya ni Mommy kaya naman kami ang kinampihan nito. Hindi naniwala si Mommy sa mga binibintang ni Daddy sa akin.

Nakaisip ng paraan si Roxanne para muling makuha ang tiwala ni Daddy. Gusto kong kumontra pero dahil mas malakas si Roxanne kaysa akin, wala akong nagawa kung sundin ang utos niya. Nagkunwaring magpapakamatay si Roxanne dahil sa gulo sa pagitan ng aking mga magulang. Na-guilty naman si Daddy sa kanyang nalaman kaya tinigilan na niya ang pagdududa sa akin. Nagkaayos na rin sila ni Mommy. Pero may mas matindi akong nalaman sa pagkaka-ospital ko - nabuntis ako ni Joaquin.

Masayang masaya si Roxanne sa nalaman niya, ito naman daw talaga ang gusto niyang mangyari. Ito raw ang magiging alas niya para mailayo hindi lamang si Joaquin, kundi pati sina Mommy at Daddy kay Angela. Binantaan pa ako ni Roxanne kung sakaling pipigilan ko ang mga plano niya. Sisiguraduhin daw niyang hinding hindi na ako makakabalik sa aking katawan. - Rhodora