TV

Jennylyn Mercado at Mark Herras, nagpapasalamat sa kanilang loyal fans


Sa ginanap na GMANetwork.com live chat ng Rhodora X stars na sina Jennylyn Mercado at Mark Herras kamakailan, ipinarating nila sa kanilang fans ang pasasalamat nila dahil sa walang sawang suportang ibinibigay ng mga ito sa kanila.

Taong 2004 nang masungkit nina Jennylyn at Mark ang titulo ng kauna-unahang StarStruck Ultimate Survivor titles. Dahil dito, nabuo ang kanilang fans dahil tinangkilik ng mga manonood ang MarkJen love team.

At mula noon hanggang ngayon, hindi pa rin sila iniiwan ng kanilang fans. Hindi pa rin sila nawawalan ng pag-asa na magkakabalikan ang tambalang kanilang hinahangaan noon pa man. Wala silang tigil sa pagsuporta sa kanilang mga idolo kahit na nagkaroon na ito ng kani-kanilang love life matapos silang maghiwalay noon.

Pero ngayong pareho na silang single, lalo pa raw umaapaw ang suportang ipinapakita ng MarkJen fans. “Alam pa rin ng mga tao na 'Uy, puwede pa pala. Puwede pa pala ‘yung love team ninyo,'” pahayag ni Jennylyn.

Kuwento ni Jennylyn, masayang-masaya sila ni Mark dahil tinatangkilik pa rin ang love team nila ni Mark. “Siyempre thankful kami. Very grateful sa lahat ng mga tao na sumusuporta na hindi pa rin talaga bumibitaw sa love team namin. Sobrang saya ng pakiramdam,” aniya.

Ayon naman kay Mark, naninibago raw siya dahil hanggang ngayon ay napakaingay ng Rhodora X sa social media. “Normally kasi ‘di ba kapag nag-start ang isang show, normally mga one or two weeks lang, lalo na sa social media na magiging maingay 'yan or magte-trending. Pero until now ganoon pa rin eh. Parang day one pa rin 'tong nangyayari eh.”

Ano ba ang mensahe ni Mark sa kanilang loyal fans? “Sobrang nagpapasalamat po kami sa lahat ng sumusuporta sa Rhodora X. Kaya huwag po kayong bibitiw dahil kapag may na-miss kayong isang episode, naku mawawala kayo sa story.”

Patuloy na subaybayan sina Jennylyn Mercado at Mark Herras sa Rhodora X, weeknights after Carmela on GMA Afternoon Prime. – Text by Al Kendrick Noguera, Photo by Bochic Estrada, GMANetwork.com