TV

Ang hinagpis ni Derrick


Akala ko ay matatapos na ang problema ng aming pamilya nang aming ipaliwanag kay Angela na totoo ang sakit ng kanyang kapatid, na hindi si Rhodora ang sumira sa buhay niya kundi si Roxanne. Naintindihan na niya ang naging sitwasyon ni Rhodora, at nagkapatawaran na silang dalawa. Naging malinaw na rin kay Rhodora na hindi aagawin ng kanyang ate si Joaquin.

Pero mali ako. Maling mali. Dapat ay hindi ako nakampante. Muling naging magulo ang aming buhay sa isang pagkakamali ni Angela - naghalikan sila ni Joaquin. Nalaman ito ni Rhodora, dahilan para magalit siya sa kanyang ate, at dahilan din para muling bumalik si Roxanne. Tila isang panibangong bangungot na naman ang pagdadaanan namin. Isang bangungot na nalampasan na namin dati, na sana ay malampasan namin sa pangalawang pagkakataon.

Malakas na ang hinala ko na bumalik ang DID ni Rhodora, dahil minsan ay nakikita ko sa kanya ang mga katangian ni Roxanne na nakita ko na dati. Pero ayokong isipin na may sakit siya ulit, in denial ako, pati na rin si Lourdes. Pero kinumbinsi ako ni Angela na muling patingnan si Rhodora kay Dr. Ferds. Lalo lang nagkalamat ang relasyon ng magkapatid, dahil hindi na pala talaga si Rhodora ang kasama namin, kundi si Roxanne na. Kaya pala ganun na lang ang poot na nararamdaman niya kay Angela.

Tama nga ako. Nabuhay na naman si Roxanne, at kung hindi ko siya napigilan ay napatay na niya si Angela. Iginapos ko siya habang nag-iisip kami ng paraan para mawala na siya. Suggestion ni Dr. Ferds na ipasok siya sa mental hospital. Labag man ito sa aming kalooban ay wala na kaming makitang ibang paraan. Nang binalikan namin si Roxanne sa kuwarto ay wala na ito. Nauto niya si Jena na ibigay sa kanya ang gunting kaya nakatakas siya. Hindi namin alam kung saan siya napadpad, hanggang sa nakatanggap kami ng tawag mula kay Nico.

Hawak daw niya si Rhodora, at iisa lang ang gusto niyang kapalit ng bunso naming anak - ang kanyang ate, si Angela. Kung hindi daw namin ito gagawin ay papatayin niya si Rhodora. Pumayag na si Lourdes, pati na rin si Angela, pero ako, ayaw ko. Nararamdaman kong may ibang balak si Nico, at baka wala naman sa kanya si Rhodora, o baka si Roxanne ang hawak niya.

Hindi ko alam kung mapipigilan ko pa si Angela sa muling pagsasakripisyo ng kanyang sarili para sa kaligtasan ng kanyang kapatid. Nawawalan na ako ng pag-asa na mabubuo pa ang aming pamilya at magiging maayos ang lahat. Sana lang mali ang kutob ko, pero tulad ng dati, baka tama rin ako. - Derrick