TV

Roxanne, tuloy ang pagsira sa buhay ni Angela


Mukhang hindi na mapipigilan ng kahit sino man ang paghihiganti ni Roxanne. Unti-unti na niyang sinisira ang relasyon nina Angela at Joaquin, ngunit hanggang saan ang kaya niyang gawin? At ngayong alam na ni Rhodora na may Dissociative Identity Disorder siya, mapipigilan kaya nila ni Vivian si Roxanne?

Last week sa Rhodora X, halos buong linggo ay nag-manifest si Roxanne dahil papalapit na ang kasal nina Angela at Joaquin. Nagsimula ang pagpapahirap niya kay Angela sa bachelorette party nito, kung saan napanaginipan niya na, bilang Roxanne, pinagsasaksak niya si Angela gamit ang gunting. Nagising si Rhodora na hawak niya ang gunting, ngunit imbes na napatay niya ang kanyang ate ay nasira lamang niya ang gowns nina Angela at ng bridesmaids nito.

Hindi dito nagtapos ang kasamaan ni Roxanne. Napulot niya ang cellphone ni Tricia na naglalaman ng video ni Angela na sinasayawan ng isang macho dancer. Hindi lamang niya kinalat ang video kundi ginamit pa niya ang cellphone para i-text si Angela ng "Akin si Joaquin. Sisiguraduhin kong hindi matutuloy ang kasal niyo. Akin lang siya."

Kasunod na pinuntirya ni Roxanne ang wedding invitations nina Angela at Joaquin. Imbes na ibigay ang mga ito sa kanyang kapatid, sinunog niya ang mga ito.

Nang malaman ni Rhodora ang mga nangyayari sa kanyang ate, unti-unti na niyang inalam kung ano ang kinalaman niya sa mga ito. Lalo siyang kinabahan nang makita niya ang video ng pagsayaw niya sa bar ni Cal, isang pangyayari na hindi niya maalala na ginawa niya. Dahil dito ay humingi na siya ng tulong kay Dr. Vivian, at nalaman niya na mayroon siyang Dissociative Identity Disorder, or DID.

Hindi makapaniwala si Rhodora na may ganito siyang sakit, na may alter ego siya na nagngangalang Roxanne. Sinubukan niyang sabihin ang tungkol dito sa kanyang mga magulang ngunit naunahan siya ng takot pagkatapos ikuwento ni Panchang ang tungkol sa kakilala nila na pinasok sa mental hospital pagkatapos mabaliw.

Noong gabing iyon ay muling lumabas si Roxanne, at binura ang pictures nina Angela at Joaquin sa laptop ni Angela. Sinira din niya ang ilang mga gamit sa bahay para palabasin na pinasok sila ng magnanakaw.

Kinaumagahan, nagulat si Rhodora sa nangyari sa bahay nila. Malakas ang kutob niya na si Roxanne ang may kagagawan ng lahat, kaya muli niyang kinausap si Dr. Vivian. Sa pag-uusap ng dalawa ay lumabas si Roxanne, at inamin niya na siya ang responsable sa lahat ng nangyari kay Angela, na hindi siya titigil hangga't hindi niya naipaghihiganti si Rhodora.

Ano pa kaya ang mga balak ni Roxanne kay Angela? Maagapan pa kaya ang sakit na ito ni Rhodora?

Huwag palampasin ang kapana-panabik na mga eksena sa Rhodora X, weeknights pagkatapos ng Carmela: Ang Pinakamagandang Babae sa Mundon Ibabaw, sa GMA Telebabad. -- Text by Michelle Caligan, GMANetwork.com