TV

RJ Nuevas talks about the creation of GMA's biggest murder mystery series 'Royal Blood'

By Aimee Anoc

Hindi maikakaila na parami na nang parami ang hook na hook ngayon sa kaabang-abang na kuwento ng pinakamalaking suspenserye sa primetime, ang Royal Blood. Patunay ang nananatili nitong double digits na ratings at patuloy na pinag-uusapan online.

Sa eksklusibong interview ng GMANetwork.com sa manunulat at concept creator ng Royal Blood na si RJ Nuevas, na siya ring utak sa likod ng hit suspenserye na Widows' Web, ibinahagi nito kung paano nabuo ang kuwento ng Royal Blood.

"Usually kasi kapag nakahiga na ako, 'pag matutulog na ako doon may mga pumapasok na ideya sa akin. Dahil katabi ko ang cellphone ko nino-note ko kaagad siya. 'Yung pinaka-basic premise, nakahiga na ako bigla kong naisip, 'What if mayroong isang tatay na nagpakilala siyang tatay siya nitong isang lalaki.' At sinabi niya na, 'Tulungan mo akong hanapin kung sino ang gustong pumatay sa akin.'

"Tapos sabi, 'Sino po ba ang gustong pumatay sa inyo?' 'Mga anak ko!" Ayaw makialam nitong lalaki tapos kinabukasan patay na 'yung tatay niya. Iyon 'yung pinaka-basic idea ko na isinulat ko sa cellphone," pagbabalik-tanaw ng manunulat.

Dagdag niya, "Nakakatuwa, just a few days after, sabi, 'Oh kailangan nating isipan ng concept si Dingdong [Dantes],' tapos iyon kaagad ang pumasok sa isip ko. Tapos isinulat ko siya. Usually, ang concept kasi isang page lang o two pages, so isinulat ko siya, ibinigay ko sa mga boss, nagustuhan naman nila. Ibinigay kay Dingdong, nagustuhan naman ni Dingdong. Ayon, pinabuo na sa akin 'yung buong kuwento tapos nagsimula na kaming mag-scripting."

Nang tanungin daw nila si Dingdong kung anong klase ng show ang gusto nito, ito ay ang mala-Succession na American series. Nang sabihin ito ng aktor, nilagyan ni RJ ang kuwento niya ng ilang "elements" ng Succession.

"So nung sinabi niyang 'Succession,' 'yung kuwento ko nilagyan ko ng ilang elements nung 'Succession.' Tungkol kasi sa kompanya 'yun kung sino ang susunod sa tatay, parang ganu'n. Pinag-[merge] ko lang 'yung gusto ni Dingdong plus 'yung concept ko.

"Wala pang buwan simula nang maisip ko siya tapos nu'ng prinisent ko kay Dingdong. Tapos nagsimula kami nitong buuhin noong last year. 'Yung proseso nun kasi medyo matagal din 'yun."

Ikinuwento rin ni RJ, ang proseso nila nang pagkuha ng cast para sa Royal Blood.

"Unang-una bubuuhin namin 'yung mga characters sa kuwento. So kailangan may tatay ka. Si Napoy, 'yung character ni Dingdong, ano bang maganda rito para exciting, 'Ah may anak siya kaya lang patay na asawa niya.' May anak siya para may kuwento siya about fatherhood sa anak niya, mayroon siyang kuwento ng fatherhood sa tatay niya.

"Kailangan 'yung tatay niya may mga anak na gustong pumatay sa kanya. Ilang anak ang gusto ko? Kapag dalawa lang, ang kaunti naman. Kapag isa, isa lang ang suspect mo. Hindi exciting. So, 'Ah maganda yata tatlo para tatlo agad ang suspects mo. Tapos, 'Ay, maganda ang mga anak na ito may asa-asawa,' so mayroong mga ganung characters. Mayroong stepsons. Syempre, papalibutan mo 'yan ng iba pang mga suspects like mayordoma, mga house maids. Inuna syempre 'yung mga characters kung sino 'yung pagsususpetsahan.

"Noong nabuo na 'yung mga characters, saka na kami nag-isip ng mga kung sino ang pwedeng i-cast. Given sa amin si Dingdong kasi ang pinaisip na concept ay si Dingdong. 'Sino kaya ang magandang gumanap na tatay ni Dingdong?' Mayroon kaming mga naisip tapos ang pinaka-best na naisip namin ay si Tirso [Cruz III].

"Tapos, 'Ay! Sino kaya ang mga anak?' Ang una pa naming naisip, tatlo bang babae ang anak? Ay, parang mas maganda mayroon namang isang lalaki. So, nag-isip kami kung sino ang mga pwedeng i-cast. Mayroon namang mga napag-isipan kaya lang ang best bet namin dahil hindi pa nagiging magkasama sa isang show si Dingdong at saka si Mikael [Daez], sila ang magkabanggaan.

"'Yung susunod na kapatid naisip namin si Rhian [Ramos] kasi ang tagal na nilang nagka-partner at this time hindi naman sila love interest kung hindi magkabanggaan din. At ang bunso, kinuha namin si Lianne kasi because of the success of Apoy Sa Langit, ang galing galing niya roon 'di ba? E' 'yung character namin na bunso is brat, so sabi namin, 'Ay! Bagay na bagay kay Lianne ito.' Ganoon kami mag-casting.

"Para naman sa anak ni Dingdong, nagpa-audition kami at sa mga nag-audition siya ang pinaka-cute at the best [si Sienna Stevens]," kuwento ni RJ.

Sa interview, ibinahagi rin ng Kapuso writer kung paano naiiba ang Royal Blood sa iba pang mga suspenserye. Aniya, "Para sa akin kasi ang pagkakapareho lang ng mga murder mysteries ay may pinatay, sino ang pumatay, 'yon lang ang pagkakapareho. Nagkakaiba-iba lang 'yan kung ano 'yung emotional hook, kung paano ka madadala, kung papaano mo maeengganyo ang audience para panoorin itong murder mystery show mo.

"Para sa akin, ang pagkakaiba niya, ang pinatay ay tatay at ang suspects ay mga anak. Imagine the reaction ng audiences, 'Ano bang klaseng anak 'yang mga 'yan? Bakit nila papatayin ang tatay nila? Sa ganoong paraan, may hook ka na agad sa audience, kuha mo na agad sila."

Ang Royal Blood ay sumasailalim sa direksyon ni Direk Dominic Zapata, na siya ring direktor ng hit series na Bolera, First Yaya, at Hearts On Ice.

Patuloy na subaybayan ang Royal Blood, Lunes hanggang Biyernes, 8:50 p.m. sa GMA Telebabad.

Mapapanood din ang Royal Blood sa Pinoy Hits, I Heart Movies, GTV (10:50 p.m.), at naka-livestream din sa GMANetwork.com.

TINGNAN ANG ILANG BEHIND-THE-SCENES PHOTOS NG CAST NG ROYAL BLOOD SA GALLERY NA ITO: