TV

Cleofe, bagong suspek ng 'Royal Blood' viewers sa pagpatay kay Gustavo Royales

By Aimee Anoc

May bagong suspek ang mga Royalistas sa pumatay kay Gustavo Royales!

Sa inilabas na official poll result ng Royal Blood noong Sabado (September 2), si Cleofe na ang nanguna sa mga pinaghihinalaan ng manonood na pumatay kay Gustavo (Tirso Cruz III), na nakakuha ng 30.6 percent vote sa isinagawang poll ng Royal Blood para sa ikalabing isang linggo nito.

Pinalitan ni Cleofe sa puwesto si Tasha (Rabiya Mateo), na dalawang magkasunod na linggo nanguna sa suspect's poll para sa ikasiyam at ikasampung linggo ng Royal Blood.

Sa kauna-unahang pagkakataon naman pumangalawa sa puwesto si Kristoff (Mikael Daez) na mayroong 22.4 percent vote, na sinundan ni Tasha na nakatanggap naman ng 12.2 percent vote.

Sumunod sa listahan sina Andrew (Dion Ignacio), Diana (Megan Young), ang mga kasambahay, Anne (Princess Aliyah), Archie (Aidan Veneracion), Beatrice (Lianne Valentin), at Napoy (Dingdong Dantes).

Sa inyong palagay, sino kaya ang tunay na pumatay kay Gustavo Royales? Sagutan ang poll dito.

Sa ikalabing isang linggo ng Royal Blood, nabunyag na sa mga tao sa mansyon ang sakit na itinatago ni Margaret (Rhian Ramos)--ang pagkakaroon nito ng alopecia kung saan nalalagas ang mga buhok nito.

Dahil sa pagkakalantad ng sikreto, pinagtangkaang kitilin ni Margaret ang sariling buhay. Nang kailanganing salinan ng dugo, hindi nag-match ang dugo nina Napoy at Kristoff kay Margaret. Dahil dito, naghinala si Kristoff na maaaring hindi nila kapatid si Margaret at hindi ito isang Royales.

Ipinagtaka rin ng mga tao sa mansyon kung bakit magka-match ang dugo nina Cleofe at Margaret. Dahil sa pagkakagulo nina Kristoff, Andrew, at Margaret kung ano nga ba ang katotohanan, pumagitna na si Cleofe at sinabi ang mga nalalaman. Sinagot ni Cleofe si Kristoff na totoong hindi anak ni Gustavo si Margaret pero anak ito ng kanilang inang si Victoria.

Patuloy na subaybayan ang kaabang-abang na mga tagpo sa Royal Blood, Lunes hanggang Biyernes, 8:50 p.m. sa GMA Telebabad.

Mapapanood din ang Royal Blood sa Pinoy Hits, I Heart Movies, GTV (10:50 p.m.), at naka-livestream din sa Kapuso Stream.