
Makikilala natin pa ng husto ang Kapuso primetime actor na si Ruru Madrid sa upcoming show na Running Man Philippines.
Isa ang Sparkle heartthrob sa seven cast members na bumubuo sa tinaguriang biggest-reality game show on Philippine TV. Kabilang din sa cast sina Mikael Daez, Glaiza De Castro, Buboy Villar, Kokoy de Santos, Lexi Gonzales, at Angel Guardian.
Kukunan ang first season ng Running Man Philippines sa South Korea at bago lumipad ang cast, nakapanayam ng entertainment press ang mga ito ngayong Biyernes, June 24, sa isang online media conference.
Ibinahagi ni Ruru sa panayam sa kaniya ng entertainment reporter na si Dondon Sermino ang pinaka-goal nilang lahat para sa co-production na ito sa pagitan ng GMA-7 and SBS Korea.
Aniya, “It's all about fun lang talaga in this show...pero, sabi ko nga kanina, hindi siya magwo-work pagka hindi kami competitive. So, kailangan maging competitive kami."
Dagdag pa niya, “And our goal nga is to entertain people. I mean, kaya naman kami rin nag-artista, dahil 'yun naman talaga ang goal namin. This time, wala kaming ginagampanan na kahit ano'ng role. Kumbaga, 'yung mga sari-sarili namin mas makikilala ng mga tao.”
May personal goal din ang former Protégé graduate sa pagsali niya sa Running Man Philippines at ito ay ang makilala ng mga manonood ang tunay niyang pagkatao, bukod sa kaniyang leading man at sexy image on TV.
Paliwanag ni Ruru, “Gusto ko rin makilala ako ng tao kung sino ba talaga ako. I mean, siyempre sometimes iniisip ng mga tao na, 'Si Ruru, puro hubad lang yan. Si Ruru puro papogi lang yan.'”
“But in this show, maipapakita namin na 'yung mga iba't ibang personalities namin dito. Parang kang may kaibigan na mas makikilala mo, hindi lang basta doon sa nakikita lang natin,” dagdag pa niya.
Bukod sa Running Man Philippines, malapit na rin mapanood si Ruru Madrid sa dambuhalang adventure-serye sa primetime na Lolong. Tutukan ang world premiere nito sa GMA Telebabad sa July 4 sa oras na 8:00 p.m..
Silipin ang jaw-dropping transformation ni Ruru Madrid sa gallery na ito.