TV

K Brosas, inamin na nagtaka nang tanggalin ang interview niya sa YouTube channel ng isang actress-host

By Maine Aquino

Diretso sa pagbibigay ng reaksyon si K Brosas sa pagkakatanggal ng kaniyang interview sa isang YouTube channel ng isang aktres at host.

Ibinahagi ni K ang saloobin tungkol dito sa guesting niya sa Sarap, 'Di Ba? noong September 2 kung saan nakasama rin niya ang kaibigan niyang si Pooh.

Sa "Hot Seat" segment ng Sarap, 'Di Ba? tinanong si K ng host nitong si Carmina Villarroel kung "Ano ang totoong saloobin mo sa pagkakatanggal ng iyong video interview sa YouTube channel ng isang controversial actress host?"

PHOTO SOURCE: Sarap, 'Di Ba?

Bago pa man mag-react si K, nagsabi si Carmina na hindi siya aware sa issue na ito. Hindi rin pinangalanan sa programa kung sino ang tinutukoy sa tanong sa Hot Seat segment.

Ayon kay K, ang interview na ito ay naglalaman ng kuwento ng buhay niya, "In how many years, ito 'yung first time kong magkuwento ng buong buhay ko sa isang interview. Tapos biglang tinanggal sa YouTube channel niya."

Dugtong pa ni K, "Wala naman akong masasabi kasi channel niya 'yun."

Inabot pa raw ng millions ang views nitong interview bago ito nawala sa channel ng aktres at host.

"After ng interview na 'yun, ilang million views, ang daming naka-relate. Saka ang daming nagsabi na ganito pala 'yung buhay ni K. Tapos noong tinanggal, ang dami ring nag-react."

"Umiiyak ako doon, maraming hindi nakakaalam sa buhay ko mula bata hanggang sa sakit ko and everything so kaya nakakapagtaka lang," pagpapatuloy ni K.

Si K ay diagnosed ng Chronic Anxiety Disorder.

RELATED GALLERY: Celebrities open up about depression, anxiety, and other mental health issues

Nilinaw naman ni K na walang problema sa kaniya ang pagkakatanggal ng interview sa YouTube channel ng nasabing actress at host.

"Sabi ko naman wala naman pong problema sa akin kasi unang una, again, hindi ko po 'yun channel. So wala akong karapatan kung sino gusto nila ilagay doon o hindi."

Pagpapatuloy ni K, nagtataka lamang siya bakit ganoon ang nangyari sa interview.

"Tinanong din ako niyan ni Ogie (Diaz), wala sa aking issue 'yun. Nakakapagtaka lang. Aminin na. Huwag na tayo ditong maglokohan. Nakakapagtaka oo. Pero, ganoon talaga. 'Yun lang 'yun."